Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 30-31

Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan

30 “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
    na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
    na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
    walang gawaing kanilang nakayanan.
Sa gitna ng gutom at kasalatan,
    kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.
Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,
    at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.
Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,
    at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.
Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,
    ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.
Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,
    sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.
Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan
    pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.

“Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,
    siyang laging binibiro at pinag-uusapan.
10 Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,
    at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.
11 Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,
    kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.
12 Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,
    hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.
13 Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,
    sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.
14 Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,
    sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.
15 Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,
    dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,
    at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.

16 ‘Halos mapatid na ang aking hininga,
    hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17 Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
    ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18 Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
    at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19 Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
    lumubog sa putik, parang isang yagit.

20 “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
    aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21 Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
    at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22 Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
    bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23 Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
    na huling hantungan ng bawat nilalang.
24 Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
    wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25 Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
    at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26 Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
    subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27 Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
    at siyang nakakasama sa bawat araw.
28 Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
    ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29 Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
    parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30 Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31 Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
    ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y taimtim na nangako sa aking sarili,
    na di titingin nang may pagnanasa sa ibang babae.
Anong ginagawa ng Makapangyarihang Diyos sa atin?
    Anong gantimpala niya sa ating gawain?
Ibinibigay niya'y kapahamakan at pagkasira,
    sa mga taong gumagawa ng mali at masama.
Lahat ng ginagawa ko'y kanyang nalalaman,
    kitang-kita niya ang aking bawat hakbang.

“Pagsisinungaling ay hindi ko ginawa,
    kahit isang tao'y wala akong dinaya.
Timbangin sana ako ng Diyos sa maayos na timbangan,
    at makikita niya itong aking katapatan.
Kung ako'y lumihis sa landas ng katuwiran,
    o kaya'y naakit gumawa ng kalikuan,
    kahit na bahagya'y natukso ng kasamaan,
    masira nawa ang aking pananim,
    at ang mga halaman ko'y iba na ang kumain.

“Kung ako ay naakit sa asawa ng iba,
    sa pintuan ng kanyang bahay ay inabangan ko siya,
10     di bale nang asawa ko'y sa iba magsilbi,
    at siya'y sipingan ng ibang lalaki.
11 Ang pakikiapid ay karumal-dumal na kasalanan, kasamaang nararapat sa hatol na kamatayan.
12 Pagkat iyon ay apoy na di mamamatay,
    at iyon ang tutupok sa aking buong kabuhayan.

13 “Kung sana'y may inapi ako sa aking mga utusan,
    at dahil doo'y nagharap sila ng karaingan.
14 Di ako kikibo ako ma'y parusahan,
    siyasatin man ako'y walang ibibigay na kasagutan.
15 Pagkat ang Diyos na sa akin ay lumalang,
    siya ring lumikha sa aking mga utusan.

16 “Di(A) ako nagkait ng tulong kailanman,
    sa mga biyuda at nangangailangan.
17     Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
18 Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan,
    inalagaan, mula pa sa aking kabataan.

19 “Ang makita kong walang damit
    pagkat walang maibili,
20     binibigyan ko ng makapal na damit,
    kaya't pasasalamat niya'y walang patid.

21 “Kung ang mga ulila'y aking inapi,
    pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi,
22     mabuti pang mga bisig ko ay baliin,
    at sa aking balikat ito ay tanggalin.
23 Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot,
    hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot.

24 “Kung(B) ako ay umasa sa aking kayamanan,
    at gintong dalisay ang pinanaligan;
25     kung dahil sa tinatangkilik, ako ay nagyabang,
    o nagpalalo dahil sa aking kayamanan;
26 kung ang araw at ang buwan ay aking sinamba;
27 kung ako'y natangay kahit na lihim lamang,
    o nagpugay kaya sa sarili kong kamay;
28 ako nga'y nagkasala at dapat hatulan,
    pagkat itinakwil ko ang Diyos na Makapangyarihan.

29 “Pagdurusa ng kaaway, hindi ko ikinatuwa,
    ni sa kanilang kapahamakan ako ay nagsaya;
30     kahit minsa'y di ko idinalangin na sila'y mamatay.
31 Mapapatunayan ng aking mga kasamahan,
    mabuti ang pagtanggap ko sa mga dayuhan.
32 Pinatutuloy ko sila sa aking tahanan,
    at di sila hinayaang matulog sa lansangan.
33 Kung itinago ko ang aking kasalanan,
    at kamalian ko ay aking pinagtakpan;
34 at kung dahil sa takot sa iba at sa kanilang pagkutya,
    ako ay nanahimik at di na nagpakita.

35 “Mayroon sanang nakikinig sa mga sinasabi ko,
isinusumpa kong lahat ito'y pawang totoo.
Sagutin sana ako ng Diyos na Makapangyarihan,
kung isusulat ng kaaway ang kanyang mga paratang.
36 Ito'y aking ikukwintas
    at isusuot na parang korona.
37 Sasabihin ko sa Diyos ang lahat ng aking ginawa,
    sa paglapit sa kanya'y wala akong dapat ikahiya.

38 “Kung ang lupa kong binubungkal ay inagaw sa iba,
    sa pagtutol ng may-ari'y sapilitan kong kinuha.
39     O kung sa ani nito ako'y nagpasasa,
    samantalang nagugutom ang dito'y nagsaka.
40     Kung gayon ay bayaang damo't tinik ang tumubo,
    sa halip na sebada o trigo ang doo'y lumago.”

Dito nagwawakas ang pagsasalita ni Job.

Mga Gawa 13:26-52

26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(A) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(B) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[a] at inilibing.

30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(C) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(D) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(E) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(F) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(G) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[b] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(H) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
    upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(I) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.