Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ester 1-2

Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes

Nang(A) panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia.[a] Binubuo ito ng 127 lalawigan. Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan. Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.

Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw. Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato. Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari. Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa.[b] Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. Samantala, si Reyna Vasti ay nagdaos din ng piging sa palasyo para naman sa kababaihan.

10 Nang ikapitong araw na ng pagdiriwang, medyo lango na ang hari. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang korona nito upang ipagmayabang sa lahat ng naroon ang kagandahan nito, sapagkat ito nama'y talagang maganda. 12 Ngunit hindi pinansin ng reyna ang mga sugo ng hari. Dahil dito, lubhang nagalit ang hari.

13 Tuwing may pangyayaring tulad nito, ipinapatawag ng hari ang mga pantas tungkol sa kapanahunan, mga dalubhasa sa batas at paghatol 14 upang sangguniin. Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga pangunahin sa buong kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa utos ko sa pamamagitan ng mga sugo?”

16 Sumagot si Memucan, “Si Reyna Vasti ay nagkasala, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ninyo, Haring Xerxes. 17 Ang pangyayaring ito'y tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian. Kung magkagayon, magkakaroon sila ng katuwirang sumuway sa kanilang asawa. Idadahilan nilang sinuway ni Reyna Vasti ang hari. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, tiyak na lalaganap ang kawalan ng respeto sa mga asawang lalaki, at ito'y hahantong sa maraming kalupitan. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, magpalabas kayo ng isang utos na maisasama sa mga kautusan ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuting reyna. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kanilang mga asawa, maging hamak o dakila man.”

21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan, at ito nga ang ginawa ng hari. 22 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop niya. Ang liham ay nakasulat ayon sa wika ng bawat lalawigan. Ipinapahayag sa liham na ito na dapat ang asawang lalaki ang siyang pinuno ng kanyang sambahayan.

Naging Reyna si Ester

Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.

Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa(B) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.

12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.

15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal[c] sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari

19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata). 21 Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito. 22 Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai. 23 Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Mga Gawa 5:1-21

Si Ananias at si Safira

Subalit mayroong mag-asawa na nagbenta ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan na sinang-ayunan naman ng kanyang asawa. Isang bahagi lamang ang kanyang ipinagkatiwala sa mga apostol. Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”

Nang(A) marinig ito ni Ananias, siya'y nalagutan ng hininga at bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.

Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”

“Opo, iyan lamang,” sagot ng babae.

Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!”

10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11 Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit

12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.

Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol,

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.