Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezra 9-10

Nalaman ni Ezra na may mga Judiong Nag-asawa ng Di-Judio

Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito. Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.” Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo. Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.

Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.

10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos 11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. 12 Sinabi(A) rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. 13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. 14 Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. 15 O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.”

Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi

10 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”

Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.

Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.

10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. 11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”

12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! 13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. 14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” 15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.

16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, 17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.

Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga

18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:

Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. 19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.

20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.

21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.

22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.

23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.

24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.

Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.

25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.

26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.

27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.

28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.

29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.

30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.

31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.

33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.

34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.

38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.

43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.

44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.[a]

Mga Gawa 1

Mahal kong Teofilo,

Sa(A) aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang(B) siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si(C) Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi(E) nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Kapalit ni Judas

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating(F) sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(G) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(H) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’

21-22 “Kaya't(I) dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”

23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”

26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.