Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Cronica 7-9

Ang Pagtatalaga sa Templo(A)

Pagkatapos(B) manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nasaksihan(C) ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh. Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos. Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel.

Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon.

Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Dumalo roon ang buong bayan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat na nasa hilaga hanggang sa Batis ng Egipto sa timog. Nang ikawalong araw, nagdaos sila ng isang dakilang pagtitipon. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pagtatalaga sa altar at pitong araw rin ang Pista ng mga Tolda. 10 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, pinauwi na ni Solomon ang mga tao. Masayang-masaya silang lahat dahil sa kagandahang-loob ni Yahweh kay David, kay Solomon at sa kanyang bayang Israel.

Muling Kinausap ng Diyos si Solomon(D)

11 Natapos ni Solomon ang Templo ni Yahweh at ang sarili niyang palasyo. Sinunod niyang lahat ang plano niya para sa mga ito. 12 Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan. 13 Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan, 14 ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain. 15 Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito. 16 Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman. 17 Kung mananatili kang tapat sa akin gaya ng iyong amang si David, kung susundin mo ang lahat kong mga utos at tuntunin, 18 patatatagin(E) ko ang iyong paghahari. Tulad ng pangako ko sa iyong amang si David, hindi siya mawawalan ng anak na lalaki na maghahari sa Israel.

19 “Ngunit kapag tinalikuran ninyo ako at sinuway ninyo ang mga batas at mga utos na ibinigay ko sa inyo, at sumamba kayo at naglingkod sa ibang mga diyos, 20 palalayasin ko kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo. Iiwan ko ang Templong ito na inilaan ko upang dito ako sambahin. Pagtatawanan ito at lalapastanganin ng mga bansa. 21 Ang mapapadaan sa tapat ng Templong ito na ngayo'y dinadakila ay mapapailing at magtatanong: ‘Bakit kaya ganito ang ginawa ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 22 Ito naman ang isasagot sa kanila: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto. Bumaling sila sa ibang mga diyos at ang mga ito ang kanilang sinamba at pinaglingkuran. Kaya pinarusahan sila ng ganito ni Yahweh.’”

Ang mga Nagawa ni Solomon(F)

Ipinatayo ni Solomon ang kanyang palasyo at ang Templo ni Yahweh sa loob ng dalawampung taon. Pagkatapos, ipinatayo niyang muli ang mga lunsod na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatira niya roon ang mga Israelita. Sinalakay niya at sinakop ang Hamat-Zoba. Itinayo niya ang lunsod ng Palmera na nasa disyerto, at ang mga lunsod-imbakan na itinayo niya sa Hamat. Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang. Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian. 7-8 Sapilitan niyang pinagtrabaho hanggang sa mga panahong ito ang mga Cananeong hindi napatay ng mga Israelita noong sakupin nila ang lupain ng Canaan. Kabilang dito ang mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at ang mga Jebuseo. Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe. 10 Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250.

11 Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.”

12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. 13 Ginawa(G) niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. 14 Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. 15 Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo.

16 At natapos ang mga ipinagawa ni Solomon, mula sa paglalagay ng pundasyon ng Templo hanggang sa mayari ito.

17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at sa Elot na nasa baybayin ng dagat sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko at mga bihasang magdaragat na mangangasiwa niyon. Pumunta sila sa Ofir kasama ng mga tauhan ni Haring Solomon. Nang bumalik sila ay may dala silang 15,750 kilong ginto na ibinigay nila kay Solomon.

Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(H)

Nabalitaan(I) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.

Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.

12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.

Ang Kayamanan ni Solomon(J)

13 Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14 Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15 Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18 Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19 Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20 Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21 May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.[a]

22 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23 Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24 Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25 Si(K) Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26 Sakop(L) niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27 Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28 Ang(M) mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(N)

29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.

Juan 11:1-29

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus.