Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Cronica 13-15

Ang Kaban ng Tipan ay Kinuha sa Lunsod ng Jearim(A)

13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito.

Kaya't(B) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta(C) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.

Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[a] mula noon.

12 Subalit(D) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(E) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.

Ang mga Ginawa ni David sa Jerusalem(F)

14 Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel.

Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; Ibhar, Elisua, Elpelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Ang Tagumpay Laban sa mga Filisteo(G)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. 10 Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?”

“Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.”

11 Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim.[b] 12 Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito.

13 Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. 14 Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 16 Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. 17 Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa.

Inilipat sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan

15 Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi(H) niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; 10 at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Pinasan(I) ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

16 Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. 17 Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. 18 Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. 19 Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. 20 Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. 21 At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. 22 Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. 23-24 Sina Berequias at Elkana kasama sina Obed-edom at Jehias ay ang mga bantay sa pinto sa kinalalagyan ng kaban. Ang iihip naman ng mga trumpeta sa harap ng Kaban ng Tipan ay ang mga paring sina Sebanias, Joshafat, Nathanael, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(J)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Juan 7:1-27

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nalalapit(A) na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi naniniwala sa kanya.

Sumagot si Jesus, “Hindi pa dumating ang aking panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong masasama ang mga gawa nito. Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta[a] sapagkat hindi pa dumating ang aking panahon.” Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

Nagturo si Jesus sa Pista ng mga Tolda

10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. 11 Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. 13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.

14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”

16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”

20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”

21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(B) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(C) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”

Siya na nga Kaya ang Cristo?

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”