Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 30-31

Ang mga Kawikaan ni Agur

30 Mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh ng Massa. Ito ang sinabi niya kina Itiel at Ucal:

“Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa.
Ako ay mangmang, alangang maging tao.
    Wala akong karunungan, hindi ako matalino.
Di ako nakapag-aral, kaya ako ay mangmang,
    walang karunungan, walang alam sa Maykapal.
Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan?
    Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang palad?
Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit?
    Sino ang naglagay ng mga hangganan sa daigdig?
Sino siya? Sino ang kanyang anak?

“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”

Karagdagang Kawikaan

Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.

10 Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo,
    baka isumpa ka niya't pagbayarin sa ginawa mo.
11 May mga taong naninira sa kanilang ama,
    masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina.
12 May mga taong nagmamalinis sa sarili,
    ngunit ang totoo'y walang kasindumi.
13 May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila.
14 May mga tao namang masyadong masakim,
    pati mahihirap, kanilang sinisiil.

15 Ang linta ay may dalawang anak, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako,” ang lagi nilang hiling.

May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan:

16 Ang libingan,
ang babaing walang anak,
ang lupang tuyo na laging nais matigmak,
at ang apoy na naglalagablab.

17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay.

18 May apat na bagay na di ko maunawaan:

19 Ang(A) paglipad ng agila sa kalangitan,

ang paggapang ng ahas sa ibabaw ng batuhan,
ang paglalayag ng barko sa karagatan,
at ang babae't lalaking nagmamahalan.

20 Ganito naman ang ginagawa ng asawang nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama.

21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:

22 Ang aliping naging hari,
ang isang mangmang na sagana sa pagkain,
23 ang babaing masungit na nagkaasawa,
at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo.

24 Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan.

25 Ang mga langgam: sila ay mahina subalit nag-iipon
    ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga kuneho: mahihina rin sila subalit nakagagawa
    ng kanilang tirahan sa batuhan.
27 Ang mga balang: bagama't walang haring sumusubaybay
    ay lumalakad nang maayos at buong inam.
28 Ang mga butiki:[a] maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan,
    subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan.

29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:

30 Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot.
31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas,
    at ang hari sa harap ng bayan.

32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka. 33 Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.

Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel

31 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.

“Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.

“Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”

Ang Huwarang Maybahay

10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.

11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.

12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.

13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.

14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.

15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.

16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.

17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.

18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.

19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.

20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.

21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.

22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.

23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.

24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.

25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.

26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.

27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.

28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:

29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”

30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.

31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.

2 Corinto 11:1-15

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. Ngunit(A) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.

Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.

Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. At(B) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!

12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.