Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 140-142

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Panalangin sa Gabi

Awit ni David.

141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
    sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
Ang(B) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
    itong pagtaas ng mga kamay ko.

O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
    ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
Huwag mong babayaang ako ay matukso,
    sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
    sa handaan nila'y nang di makasalo.

Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
    ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
    pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
    maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
    sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.

Di ako hihinto sa aking pananalig,
    ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
    huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
Sa mga patibong ng masamang tao,
    ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
    samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(C) Maskil[d] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

1 Corinto 14:1-20

Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.

Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.

Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.

10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.

13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.

18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.