Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 9-11

Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop

Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”

Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.

Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(A) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(B) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(C) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikawalong Salot: Ang mga Balang

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Pinagmatigas ko ang kanyang kalooban at ng kanyang mga tauhan para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.”

Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa. Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy. Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.

Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”

Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”

Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.”

10 Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama. 11 Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon.

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at dadagsa sa buong Egipto ang makapal na balang. Uubusin ng mga ito ang mga halamang hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo.” 13 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang 14 at(D) ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain.

16 Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. 17 Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.” 18 Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin. 19 Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula;[a] isa ma'y walang natira sa Egipto. 20 Ngunit pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon; hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikasiyam na Salot: Ang Kadiliman sa Egipto

21 Sinabi(E) ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” 22 Ganoon(F) nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. 23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.

24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”

25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. 26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”

27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. 28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”

29 “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.”

Ipinahayag ni Moises ang Pagkamatay ng mga Panganay

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.

Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” 10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto.

Mateo 15:21-39

Ang Pananalig ng Isang Cananea(A)

21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”

23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”

26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”

27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(B)

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”

33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”

34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.

“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.