Old/New Testament
Nagkita sina Jacob at Esau
33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. 2 Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. 3 Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. 4 Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.
“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. 6 Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; 7 sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.
8 “Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.
“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.
9 Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.
12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.
13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”
15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.
“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[a] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.
18 Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. 19 Ang(A) parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. 20 Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel.
Ginahasa si Dina
34 Minsan, si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob kay Lea, ay dumalaw sa ilang kababaihan sa lupaing iyon. 2 Nakita siya ni Shekem, anak na binata ni Hamor na isang Hivita at pinuno sa lupaing iyon. Sapilitan siyang isinama nito at ginahasa. 3 Ngunit napamahal na nang husto kay Shekem si Dina at sinikap niyang suyuin ito. 4 Sinabi ni Shekem sa kanyang ama na lakaring mapangasawa niya ang dalaga.
5 Nalaman ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak, ngunit hindi muna siya kumibo sapagkat nagpapastol noon ng baka ang kanyang mga anak na lalaki. 6 Nagpunta naman si Hamor kay Jacob upang makipag-usap. 7 Siya namang pagdating ng mga anak na lalaki ni Jacob mula sa kaparangan. Nabigla sila nang mabalitaan ang nangyari sa kapatid, at gayon na lamang ang kanilang galit dahil sa ginawa ni Shekem. Ito'y itinuring nilang isang paglapastangan sa buong angkan ni Jacob. 8 Sinabi ni Hamor, “Yaman din lamang na iniibig ni Shekem si Dina, bakit hindi pa natin sila ipakasal? 9 Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata. 10 Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.”
11 Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo. 12 Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.”
13 Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem. 14 Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid. 15 Papayag lamang kami kung ikaw at ang lahat ng mga lalaking nasasakupan ninyo ay magpapatuli. 16 Pagkatapos, maaari na ninyong mapangasawa ang aming mga dalaga at ang inyo nama'y mapapangasawa namin. Magiging magkababayan na tayo at mamumuhay tayong magkakasama. 17 Kung di kayo sasang-ayon, isasama na namin si Dina at aalis na kami.”
18 Pumayag naman ang mag-amang Hamor at Shekem. 19 Hindi na sila nag-aksaya ng panahon sapagkat napakalaki ng pag-ibig ni Shekem kay Dina. Si Shekem ay iginagalang ng lahat sa kanilang sambahayan.
20 Sa may pintuan ng lunsod, tinipon ng mag-ama ang lahat ng lalaki sa Shekem. Sinabi nila, 21 “Napakabuting makisama ng mga dayuhang dumating dito sa atin. Dito na natin sila patirahin, maluwang din lamang ang ating lupain. Pakasalan natin ang kanilang mga dalaga at sila nama'y gayon din. 22 Ngunit mangyayari lamang ito kung ang ating mga kalalakihan ay patutuli na tulad nila. 23 Sa gayon, ang kanilang ari-arian, mga kawan at bakahan ay mapapasaatin. Sumang-ayon na tayong mamuhay silang kasama natin.” 24 Sumang-ayon naman sa panukalang ito ang mga lalaki, at silang lahat ay nagpatuli.
25 Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay. 26 Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina. 27 Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae. 28 Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid. 29 Dinala nilang lahat ang mga kayamanan, binihag ang mga babae't mga bata, at walang itinirang anuman.
30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng napakalaking suliranin. Ngayon, kamumuhian ako ng mga Cananeo at Perezeo. Kapag nagkaisa silang salakayin tayo, wala tayong sapat na tauhang magtatanggol; maaari nilang lipulin ang aking sambahayan.”
31 Ngunit sila'y sumagot, “Hindi po kami makakapayag na ituring na isang masamang babae ang aming kapatid.”
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(B) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. 6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, 7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[b] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. 8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(C) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(D) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(E) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
Namatay si Raquel
16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. 17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” 18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni,[c] ngunit Benjamin[d] naman ang ipinangalan ni Jacob.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. 20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel. 21 Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(F)
22 Samantalang(G) sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.
Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: 23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; 24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin; 25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; 26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.
Namatay si Isaac
27 Dumalaw(H) si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. 28 Si Isaac ay 180 taon 29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.
Ang Labindalawang Alagad(A)
10 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, 4 si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo(C) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(D) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.
11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(E) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(F) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Mga Pag-uusig na Darating(G)
16 “Tingnan(H) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(I) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.