Old/New Testament
Ang Pagtatalaga(A)
29 “Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan,
2 at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo.
3 Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa.
4 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.
5 Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod:
6 at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante.
7 Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis.
8 Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika,
9 at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak.
Ang Handog ng Pagtatalaga para sa mga Pari
10 “Pagkatapos, iyong dadalhin ang toro sa harap ng toldang tipanan at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro.
11 Papatayin mo ang toro sa harapan ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan.
12 Kukuha ka ng bahagi ng dugo ng toro, at ilalagay mo iyon sa pamamagitan ng iyong daliri sa ibabaw ng mga sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.
13 Kukunin mo lahat ng taba na nakabalot sa bituka, at ang mga taba ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga iyon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.
14 Subalit ang laman ng toro, ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampo; ito ay handog pangkasalanan.
15 “Kukunin mo rin ang isa sa mga lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa.
16 Papatayin mo ang lalaking tupa, kukunin mo ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.
17 Pagpuputul-putulin mo ang tupa at huhugasan mo ang mga lamang-loob at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga piraso at sa ulo nito.
18 Susunugin(B) mo ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; ito ay handog na sinusunog para sa Panginoon. Ito ay mabangong samyo, isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
19 “Kukunin mo ang isa pang lalaking tupa at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
20 Papatayin mo ang tupa, kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, at sa dulo ng kanang tainga ng kanyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang natirang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
21 Kukuha ka ng bahagi ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pambuhos, at iwiwisik mo kay Aaron at sa kanyang mga kasuotan, at sa kanyang mga anak na kasama niya; pati ang mga kasuotan nila at magiging banal siya at ang kanyang mga kasuotan, at ang kanyang mga anak, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak na kasama niya.
22 “Kukunin mo rin ang taba ng lalaking tupa, at ang matabang buntot, at ang tabang nakabalot sa mga bituka, ang mga taba ng atay, ang dalawang bato, ang taba na nasa ibabaw ng mga iyon, at ang kanang hita (sapagkat iyon ay isang lalaking tupa na itinatalaga),
23 isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na may langis, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harapan ng Panginoon.
24 Ilalagay mo ang lahat ng ito sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kanyang mga anak; at iyong iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
25 Kukunin mo sa kanilang mga kamay ang mga ito, at iyong susunugin sa dambana bilang karagdagan sa handog na sinusunog, bilang isang mabangong samyo sa harapan ng Panginoon; ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
26 “At kukunin mo ang dibdib ng lalaking tupa na itinalaga ni Aaron, at iwawagayway mo ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; at iyon ang magiging iyong bahagi.
27 Iyong itatalaga ang dibdib ng handog na iwinawagayway, at ang hitang iwinawagayway na bahagi ng pari, mula sa lalaking tupa na itinalaga para kay Aaron at sa kanyang mga anak.
28 Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, na bahaging ukol sa kanila sa habang panahon na mula sa mga anak ni Israel, sapagkat ito ang bahagi ng mga pari na ihahandog ng mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga handog pangkapayapaan. Ito ay kanilang handog sa Panginoon.
29 “Ang mga banal na kasuotan ni Aaron ay magiging sa kanyang mga anak pagkamatay niya, upang buhusan ng langis ang mga iyon, at upang italaga sa mga iyon.
30 Pitong araw na isusuot ang mga ito ng anak na magiging pari kapalit niya, kapag siya'y pumapasok sa toldang tipanan upang maglingkod sa dakong banal.
31 “At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at ilaga mo ang laman nito sa isang dakong banal.
32 Kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng toldang tipanan.
33 Kanilang kakainin ang mga bagay na iyon, na ipinantubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila, subalit hindi kakain niyon ang sinumang dayuhan, sapagkat banal ang mga ito.
34 At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang nalabi, hindi ito kakainin, sapagkat ito'y banal.
Ang mga Pang-araw-araw na Handog(C)
35 “Ito ang gagawin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo; pitong araw mo silang itatalaga.
36 Araw-araw ay maghahandog ka ng toro na handog pangkasalanan bilang pantubos. Maghahandog ka rin ng handog pangkasalanan para sa dambana, kapag iyong iginagawa ng katubusan iyon; at iyong bubuhusan ito ng langis upang ito'y maitalaga.
37 Pitong araw na iyong gagawan ng katubusan ang dambana, at iyong pakakabanalin ito, at ang dambana ay magiging kabanal-banalan; anumang humipo sa dambana ay magiging banal.
38 “Ito naman ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero na tig-iisang taong gulang, araw-araw sa habang panahon.
39 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon;
40 at kasama ng unang kordero ang ikasampung bahagi ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ang handog na inumin.
41 Ang isa pang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong ihahandog na kasama nito ang handog na butil at handog na inumin tulad ng sa umaga, na mabangong samyo, na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
42 Ito ay magiging isang patuloy na handog na sinusunog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa pintuan ng toldang tipanan, sa harapan ng Panginoon; kung saan ko kayo tatagpuin, upang makipag-usap ako roon sa iyo.
43 At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel, at ito ay pakakabanalin ng aking kaluwalhatian.
44 Aking pakakabanalin ang toldang tipanan, at ang dambana; gayundin si Aaron at ang kanyang mga anak ay aking pakakabanalin upang maglingkod sa akin bilang mga pari.
45 Ako'y mananahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Diyos.
46 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, upang ako'y manirahang kasama nila. Ako ang Panginoon nilang Diyos.
Ang Dambana ng Insenso(D)
30 “Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya.
2 Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.
3 Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot.
4 Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito.
5 Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto.
6 Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin.
7 Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon,
8 at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng Panginoon sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9 Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon.
10 Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa Panginoon.”
11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
12 “Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa Panginoon, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila.
13 Bawat(E) mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa Panginoon.
14 Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.
15 Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga sarili.
16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa.”[a]
Ang Palangganang Tanso
17 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
18 “Gagawa(F) ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig.
19 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa.
20 Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
21 Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”
Ang Langis na Pambuhos
22 Bukod(G) dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,
23 “Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,
24 at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;
25 at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.
26 Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,
27 at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,
28 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.
29 Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.
30 Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.
31 Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
32 Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.
33 Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”
34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),
35 at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.
36 Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,[b] sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.
37 Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.
38 Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(A)
23 Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
25 Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”
27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’
29 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.
30 Lumapit ang ama[a] sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.
31 Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.
32 Sapagkat(B) dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.
Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(C)
33 “Pakinggan(D) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.
34 Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.
35 Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.
36 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.
37 Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’
39 Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.
40 Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”
41 Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”
42 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’
43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’
[ 44 Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[b]
45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.
46 Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus,[c] ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001