Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Corinto 11-12

11 Tularan(A) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba

Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[a] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. Hindi(B) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat(C) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.

13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan

17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!

Ang Banal na Hapunan(D)

23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(E) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[b] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.

33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Mga Kaloob ng Espiritu Santo

12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba't(F) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.

Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi

12 Si(G) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.

14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.

21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.

27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(H) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.

At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.