Read the New Testament in 24 Weeks
Mga Apostol ni Cristo
4 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Malinis(A) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.
6 Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. 7 Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?
8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. 9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(B) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(C) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[a] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan?
Parusa sa Gumagawa ng Kahalayan
5 Nakarating(D) nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! 2 At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! 3 Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na 4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus.[b] Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, 5 ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.
6 Hindi(E) kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? 7 Alisin(F) ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. 8 Kaya't(G) ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos
12 May(H) magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi(I) ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu.
18 Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi(J) ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.