Read the New Testament in 24 Weeks
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(B) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(C) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(D) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Ang Paring si Melquisedec
7 Ang(E) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. 2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. 3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.
4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. 5 Ayon(F) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. 7 Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. 8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. 9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
11 Batay sa pagkapari ng mga Levita ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita. Kung ang pagkapari ng mga Levita ay walang kapintasan, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pagkapari na ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron. 12 Nang baguhin ang pagkapari, kinailangan ding baguhin ang kautusan. 13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari.
Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec
15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. 17 Sapagkat(G) ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” 18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.
20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit(H) nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,
“Ang Panginoon ay sumumpa,
at hindi siya magbabago ng isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”
22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.
23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi(I) siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.