Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hebreo 3-5

Higit si Jesus kay Moises

Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. Tapat(A) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][a] sambahayan ng Diyos. Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos

Kaya't(B) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,

“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
    huwag patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
    bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
    ‘Lagi silang lumalayo sa akin,
    ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
    ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”

12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito(C) nga ang sinasabi sa kasulatan,

“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

16 Sino(D) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong(E) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,

“Sa galit ko'y aking isinumpa,
    ‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”

Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat(F) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At(G) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. Kaya't(H) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,

“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”

Kung(I) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(J) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.

12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(K) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.

Si Jesus ang Pinakapunong Pari

14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.

Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At(L) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. Ang(M) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

Gayundin(N) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Sinabi(O) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Noong(P) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(Q) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.