Read the New Testament in 24 Weeks
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—
2 Kay(A) Timoteo na minamahal kong anak.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat at Paalala
3 Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. 4 Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. 5 Hindi(B) ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. 6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. 7 Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Para(C) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.
15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes. 16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. 17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.
Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus
2 Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ng kagandahang-loob ni Cristo Jesus. 2 Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba.
3 Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. 4 Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. 5 Hindi maaaring gantimpalaan ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin. 6 Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat unang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. 7 Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.
8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. 9 Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:
“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(D) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
siya'y nananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”
Tapat na Lingkod ni Cristo
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(E) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”
20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.