Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Juan 20-21

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

20 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya inilagay!”

Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga telang lino. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga telang lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. 10 At umuwi ang mga alagad sa kanilang mga tahanan.

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(B)

11 Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak ay yumuko siya at sumilip sa loob. 12 May nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?”

Sumagot siya, “Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya inilagay.”

14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”

Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko.”

16 “Maria!” sabi ni Jesus.

Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.”

17 Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.”

18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at ibinalita sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang mga sinabi sa kanya ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)

19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(D) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Pag-aalinlangan ni Tomas

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!”

Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.”

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” 27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”

28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi(E) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”

“Sasama kami,” sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”

“Wala po,” sagot nila.

“Ihulog(F) ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”

Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumating sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka at hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa nagbabagang uling, at ilang tinapay. 10 “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; isandaan at limampu't tatlo lahat ang nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 “Halikayo at mag-agahan kayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

Pakainin Mo ang Aking mga Tupa

15 Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”

“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga batang tupa.” 16 Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”

Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”

At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo gusto.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano mamamatay si Pedro at kung paano niya luluwalhatiin ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Alagad na Minamahal ni Jesus

20 Lumingon(G) si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?”

22 Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, [ano sa iyo]?[b]

24 Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.

Pagwawakas

25 At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.