Read the New Testament in 24 Weeks
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2 Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” 4 nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
5 Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? 7 Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
8 Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(B) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.
Pananampalataya at mga Gawa
14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi (C) ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad(D) ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25 Gayundin(E) si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.
26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.
Ang Dila
3 Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. 2 Tayong(F) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.
3 Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. 4 Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.
Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang(G) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito(H) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.
Ang Karunungang Mula sa Diyos
13 Sino(I) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.
by