Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Hatol ng Dios
2 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. 2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. 5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. 6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[a] 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. 8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. 9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak,[b] at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito. 14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin. 15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. 16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[c]
25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[d] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.
3 Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Judio? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? 2 Totoong nakakahigit ang mga Judio sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Dios. 3 Kung hindi naging tapat ang ilan sa pagsunod sa Dios, nangangahulugan bang hindi na rin magiging tapat ang Dios sa pagtupad sa kanyang mga pangako? 4 Aba hindi! Sapagkat tapat ang Dios sa kanyang mga salita, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.”[e]
5 Baka naman may magsabi, “Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Dios, hindi makatarungan ang Dios kung parusahan niya kami.” (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.) 6 Aba, hindi maaari iyan. Sapagkat kung ganyan, paano niya hahatulan ang mga tao sa mundo?
7 Baka naman mayroon ding magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Dios, at dahil dito papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” 8 Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama para lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Dios.
Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan
9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[f]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[g] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
Ang kanilang sinasabiʼy[h] puro pandaraya.[i]
Ang mga salita[j] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[k]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[l]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[m]
18 at wala silang takot sa Dios.”[n]
19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®