Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Santiago 4-5

Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan

Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?

Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.

Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.

Mga(A) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.

O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”

Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”

Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.

Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.

Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.

10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.

12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?

Babala Laban sa Kapalaluan

13 Halikayo(B) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”

14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.

15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”

16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.

17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.

Ang(C) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.

Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.

Tingnan(D) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.

Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.

Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Katiyagaan sa Kahirapan

Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.

Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]

Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.

10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.

11 Tunay(E) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.

12 Ngunit(F) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.

Ang Mabisang Panalangin

13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.

14 May(G) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.

15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.

16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.

17 Si(H) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.

18 At(I) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.

19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,

20 dapat(J) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001