Read the New Testament in 24 Weeks
Kautusan o Pananampalataya
3 O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!
2 Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?
3 Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?
4 Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.
5 Ang Diyos[a] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?
6 Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.
7 Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.
8 At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”
9 Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.
10 Sapagkat(D) ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.”
11 Ngayon(E) ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[b]
12 Subalit(F) ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.”
13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”—
14 upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Pangako kay Abraham
15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito.
16 Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo.
17 Ito(H) ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako.
18 Sapagkat(I) kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.
Ang Layunin ng Kautusan
19 Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.
20 Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa.
21 Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan.
22 Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya.
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.
24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.
26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At(J) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.
4 Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat,
2 subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama.
3 Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan.
4 Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,
5 upang(K) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.
6 At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[c] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[d] Ama!”
7 Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.
9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?
10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.
11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.
12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.
13 Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.
14 Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.
15 Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob?[e] Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.
16 Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?
17 Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.
18 Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.
19 Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.
20 Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.
Paghahambing kina Hagar at Sarah
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?
22 Sapagkat(L) nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.
23 Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.
24 Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.
25 Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.
26 Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.
27 Sapagkat(M) nasusulat,
“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
kaysa mga anak ng may asawa.”
28 At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.
29 Subalit(N) kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.
30 Subalit(O) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”
31 Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001