New Testament in a Year
Pagpapatawad sa Kapatid(A)
17 Sinabi ni Jesus[a] sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon.
2 Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito.
3 Mag-ingat(B) kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.
4 Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
Pananampalataya
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”
6 Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.
Katungkulan ng Isang Lingkod
7 “Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’
8 Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?
9 Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?
10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
11 Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus[b] ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea.
12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo.
13 Sila'y nagsisigaw at nagsabi, “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”
14 Nang(C) kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari.” Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis.
15 Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos.
16 Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus[c] na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano.
17 At nagtanong si Jesus, “Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam?
18 Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?”
19 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001