Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 8:26-56

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(A)

26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[a] na katapat ng Galilea.

27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[b] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”

29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.

31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.

32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.

33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.

35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.

36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.

37 At nakiusap kay Jesus[c] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.

38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,

39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus(B)

40 At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.

41 At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,

42 sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.

43 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,[d] at di mapagaling ng sinuman,

44 na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.

45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,[e] “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”

46 Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”

47 At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus[f] at kung paanong siya ay kaagad gumaling.

48 At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”

49 Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”

50 Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.

52 Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,[g] “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”

53 At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.

54 Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”

55 Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus[h] na bigyan ng makakain ang bata.

56 At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus[i] sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001