New Testament in a Year
19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.
Ang Aral mula sa Natuyo na Punong Igos(A)
20 Kinaumagahan, sa paglalakad nila ay nadaanan nilang muli ang punong igos. Nakita nilang natuyo ito mula sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa puno, kaya't sinabi niya kay Jesus, “Rabbi, tingnan ninyo! Natuyo ang punong igos na isinumpa ninyo!” 22 Sumagot si Jesus sa kanila, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Katotohanan (B) ang sinasabi ko sa inyo, na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at maitapon sa dagat,’ mangyayari ang sinabi niya kung siya'y naniniwala at walang pag-aalinlangan sa puso. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at mangyayari nga iyon sa inyo. 25 Kapag (C) kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[a]
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(D)
27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.