Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Roma 15:14-33

Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo

14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.

15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,

16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.

17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.

18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,

19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[a] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,

21 kundi,(A) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”

Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito(B) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.

23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,

24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.

25 Ngunit(C) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.

26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Ito'y(D) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.

29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.

30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,

31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;

32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.

33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001