Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 3:20-35

Si Jesus at si Beelzebul(A)

20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (B) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.

28 “Tinitiyak ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. 29 Ngunit (C) sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapatatawad kailanman; nakagawa siya ng isang kasalanang walang hanggan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinabi nila, “Siya'y sinasaniban ng maruming espiritu.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(D)

31 Dumating ang ina at ang mga kapatid ni Jesus. Naroon sila sa labas ng bahay, at ipinatawag si Jesus. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki, hinahanap ka nila.” 33 “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” tanong ni Jesus. 34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! 35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.