Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Roma 15:1-13

Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. Sapagkat(A) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” Anumang(B) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil

Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at(C) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,

“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
    At aawitan ko ang iyong pangalan.”

10 Sinabi(D) rin,

“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”

11 At(E) muling sinabi,

“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
    lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”

12 Sinabi pa ni Isaias,

“May isisilang sa angkan ni Jesse,
    upang maghari sa mga Hentil;
    siya ang kanilang magiging pag-asa.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.