New Testament in a Year
Pamumuhay Ayon sa Espiritu
8 Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. 2 Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.
5 Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. 6 Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. 8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.
12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Ang Kaluwalhatiang Sasaatin
18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.