New Testament in a Year
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”][a] 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”
[40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.][b] 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”
45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan(B) ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(C)
50 Pagkatapos(D) ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang(E) binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit].[c] 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.