New Testament in a Year
20 Dahil(A) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
21 Dahil(B) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.
22 Dahil(C) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.
23 Dahil(D) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil(E) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.
27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(F) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.
29 Dahil(G) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.
30 Dahil(H) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(I) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.
32 Magpapatuloy(J) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(K) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(L) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(M) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.
May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(N) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(O) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.
39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.