Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hebreo 10:19-39

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. 26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(B) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(C) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(D) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(E) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!

32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(F)

“Kaunting panahon na lamang,
    hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
    ngunit kung siya'y tatalikod,
    hindi ko siya kalulugdan.”

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.