Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 1:21-38

21 Samantala, ang mga taong naghihintay kay Zacarias ay nagtaka kung bakit siya'y nagtatagal sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya ay hindi na siya makapagsalita. Napagtanto nilang siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Sumesenyas lamang siya sa kanila at nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi siya sa kanyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Limang buwan itong hindi nagpakita sa iba. Sinabi ni Elizabeth, 25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang pansinin upang alisin ang dahilan ng pang-aalipusta ng mga tao sa akin.”

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na kung tawagin ay Nazareth. 27 Isinugo(A) siya sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaking mula sa angkan ni David na ang pangalan ay Jose. Maria ang pangalan ng birhen. 28 Lumapit sa kanya ang anghel, at sinabi nito, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[a] 29 Subalit lubha niyang ikinalito ang sinabing iyon at inisip niya kung ano ang kahulugan ng pagbating iyon. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalugdan ka ng Diyos. 31 Kaya, magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. 32 Siya'y (B) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. 33 Maghahari siya magpakailanman sa sambahayan ni Jacob at ang paghahari niya ay walang katapusan.” 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito gayong wala pa akong nakatalik na lalaki?” 35 Sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Banal na Espiritu at lilimliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang isisilang ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Dapat mong malaman na ang kamag-anak mong si Elizabeth ay naglilihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Siya na dating tinatawag na baog ay anim na buwan nang buntis. 37 Sapagkat (C) sa Diyos ay walang imposible.” 38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.