Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Josue 2

Nagpadala ng mga Espiya sa Jerico

Buhat(A) sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi. Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon. Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”

Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila. Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”

Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon. Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod.

Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo. 10 Nabalitaan(B) namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula[a] nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo. 11 Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa. 12 Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang 13 ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.”

14 Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.”

15 Nakakabit sa pader ng lunsod ang bahay ni Rahab, kaya't buhat sa kanyang bintana'y inihugos niya sa labas ng lunsod ang dalawang espiya. 16 Ngunit bago sila umalis, sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta muna kayo sa kaburulan at magtago kayo roon ng tatlong araw upang hindi kayo makita ng mga tauhan ng hari. Kapag nakabalik na sila sa lunsod, saka na kayo lumakad.”

17 Sinabi naman sa kanya ng dalawa, “Tutuparin namin ang aming pangako alang-alang sa iyo. 18 Kailangang gawin mo ito: Pagbalik namin para sakupin ang inyong lunsod, ilawit mo ang pulang lubid na ito sa bintanang aming bababaan. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong ama't ina, ang iyong mga kapatid at ang buong angkan ng iyong ama. 19 Hindi kami mananagot kung may lumabas ng bahay at mapatay, ngunit pananagutan namin kapag may nasaktan sa sinumang nasa loob ng bahay. 20 Subalit kapag ipinagsabi mo itong ating pinag-usapan, huwag mo nang asahan ang pangako namin sa iyo.”

21 Pumayag ang babae at pagkatapos ay pinaalis na ang mga espiya. Pagkatapos, itinali niya sa labas ng bintana ang lubid na pula.

22 Pumunta nga ang mga espiya sa kaburulan at tatlong araw na nagtago roon habang pinaghahanap sila ng mga tauhan ng hari. Pagkatapos, bumalik na ang mga ito sa lunsod nang hindi nila makita ang mga espiya. 23 Bumabâ naman mula sa kaburulan ang mga espiya, tumawid ng ilog at nagbalik kay Josue. Iniulat nila kay Josue ang buong pangyayari. 24 “Ibinigay na sa atin ni Yahweh ang lupaing iyon,” ang sabi nila. “Mabanggit lamang ang pangalan nati'y nangangatog na sa takot ang mga tagaroon.”

Mga Awit 123-125

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
    kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
    gayon nagtatanggol
    sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.

Taong masasama
    ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
    sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.

Kapayapaan para sa Israel!

Isaias 62

62 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.

Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.

Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan:
“Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway;
hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan.
Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani,
ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh;
kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan,
kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.”

10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’

Mateo 10

Ang Labindalawang Alagad(A)

10 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)

Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo(C) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(D) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.

11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(E) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(F) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”

Mga Pag-uusig na Darating(G)

16 “Tingnan(H) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(I) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 “Ipagkakanulo(J) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(K) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

24 “Walang(L) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(M) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”

Ang Dapat Katakutan(N)

26 “Kaya(O) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[a] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Pagpapatotoo kay Cristo(P)

32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(Q) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(R)

34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(S) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.

37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(T) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(U) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Mga Gantimpala(V)

40 “Ang(W) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”