Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Deuteronomio 19

Ang mga Lunsod-Kanlungan(A)

19 “Kapag(B) nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, magbukod kayo ng tatlong lunsod. Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.

“Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.

“Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) 10 Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo.

11 “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. 13 Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay.

Mga Batong Palatandaan

14 “Huwag(C) ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi

15 “Hindi(D) sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 16 Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, 17 silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. 18 Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, 19 ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. 20 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. 21 Huwag(E) kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.

Mga Awit 106

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
    sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(E) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
    sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
    ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.

16 Sila(F) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
    at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
    si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
    at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.

19 Sa(G) may Bundok ng Sinai,[c] doon ay naghugis niyong gintong guya,
    matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
    sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
    ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
    Sa Dagat na Pula[d] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
    agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
    at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.

24 Ang(H) lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
    dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
    at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
    sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y(I) ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
    sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.

28 Sila'y(J) nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
    ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
    Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
    kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
    ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.

32 At(K) itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
    nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
    dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.

34 Di(L) nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
    bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
    at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
    sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati(M) anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
    sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang(N) pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
    para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
    kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
    sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.

40 Kaya(O) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
    siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
    sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
    pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
    naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
    dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
    nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
    sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.

47 Iligtas(P) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
    saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.

48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
    purihin siya, ngayon at magpakailanman!
    Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”

    Purihin si Yahweh!

Isaias 46

46 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
    ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
    at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
    Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
    Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.

“Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
    kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
Ako ang inyong Diyos.
    Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
    na kayo'y iligtas at tulungan.”

Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
    Mayroon bang makakapantay sa akin?
Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
    at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
    pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
    pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
    Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
    at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.

“Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
    ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
    at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
    at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
    at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
    siya ay darating na parang ibong mandaragit,
    at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.

12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
    kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
    ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
    at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”

Pahayag 16

Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”

Kaya(A) umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.

Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat.

Ibinuhos(B) naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,

“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
    sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
    ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!”

At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi,

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”

At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang pasuin ang mga tao sa tindi ng init nito. Napaso nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.

10 Ibinuhos(C) naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, 11 at sinumpa nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.

12 At(D) ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog upang magkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. 13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. 14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 “Makinig(E) kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Pinagpala ang nananatiling gising at nag-iingat ng kanyang damit. Hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa harap ng mga tao!”

16 At(F) ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.

17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” 18 Kumidlat,(G) kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol mula pa nang likhain ang tao dito sa lupa. 19 Nahati(H) sa tatlong bahagi ang malaking lungsod, at nawasak ang lahat ng lungsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. 20 Umalis(I) ang lahat ng mga pulo at nawala ang lahat ng mga bundok. 21 Umulan(J) ng malalaking batong yelo na tumitimbang ng halos limampung (50) kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na iyon.