M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Reklamo nila Miriam at Aaron
12 Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.[a] 2 Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.
3 (Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)
4 Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda. 5 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa, 6 sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip. 7 Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan. 8 Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya. 10 Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat,[b] at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya, 11 sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid[c] ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan. 12 Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”
13 Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.” 14 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”
15 Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo. 16 Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.
Ang mga Espiya(A)
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Magpadala ka ng mga tao para mag-espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.” 3 Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran. 4-15 Ito ang mga lahi at mga pangalan nila:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Reuben | Shamua na anak ni Zacur |
Simeon | Shafat na anak ni Hori |
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Isacar | Igal na anak ni Jose |
Efraim | Hoshea na anak ni Nun |
Benjamin | Palti na anak ni Rafu |
Zebulun | Gadiel na anak ni Sodi |
Manase na anak ni Jose | Gadi na anak ni Susi |
Dan | Amiel na anak ni Gemali |
Asher | Seteur na anak ni Micael |
Naftali | Nabi na anak ni Vofsi |
Gad | Geuel na anak ni Maki |
16 Sila ang mga tao na ipinadala ni Moises para mag-espiya sa Canaan. (Pinalitan ni Moises ng Josue ang pangalan ni Hoshea na anak ni Nun.)
17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa timog ng Canaan,[d] at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)
21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo Hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negev hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sheshai at Talmai, na mga angkan ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol[e] dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.
25 Pagkatapos ng 40 araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, maganda at masaganang lupain[f] iyon. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Pero makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga angkan ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negev; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog ng Jordan.”
30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”
31 Pero sinabi ng mga tao na sumama kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,[g] na mga angkan ni Anak. Parang mga tipaklong lang ang tingin namin sa aming mga sarili kung ikukumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2 Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3 dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4 Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5 Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6 Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7 Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8 Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9 upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
Kapayapaan sa Mundo(A)
2 Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:
2 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
3 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
4 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.
5 Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,[a] na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Ang Araw na Magpaparusa ang Dios
6 Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. 7 Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. 8 Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. 9 Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.
10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11 Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas. 12 Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan. 13 Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan. 14 Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol, 15 at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader. 16 Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat. 17 Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon. 18 At tuluyan nang mawawala ang mga dios-diosan.
19 Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kweba sa burol at sa mga hukay sa lupa para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga rebulto nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin. 21 Tatakas nga sila papunta sa mga kweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.
22 Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?
10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. 2 Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. 3 Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, 4 dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila. 5 Kaya nga, nang dumating si Jesus dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,
“Hindi mo nagustuhan ang mga handog at kaloob ng mga tao,
kaya binigyan mo ako ng katawan na ihahandog ko.
6 Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis.
7 Kaya sinabi ko sa iyo, ‘Narito ako para tuparin ang kalooban mo, O Dios, ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”[a]
8 Una, sinabi ni Cristo na hindi nagustuhan ng Dios ang mga handog at kaloob, at hindi siya nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis kahit na ipinapatupad ito ng Kautusan. 9 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako para sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Dios ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Cristo. 10 At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.
11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[b] niya.
15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,
16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[c]
17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[d] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.
Lumapit Tayo sa Dios
19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[e] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.
26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[f] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[g] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.
32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[h]
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®