Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Genesis 22 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mateo 21

Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(A)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.” Nangyari ito upang matupad ang pinahayag sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

“Sabihin (B) ninyo sa anak na babae ng Zion,
    Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,
    at sa bisiro ng isang inahing asno.”

Pumunta nga ang mga alagad at ginawa kung ano ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus. Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro at isinapin nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal. At doon ay naupo siya. Karamihan sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga sa mga puno at ikinalat ang mga ito sa daan. At (C) ang napakaraming taong nauuna sa kanya pati ang mga sumusunod sa kanya ay nagsigawan, na sinasabi, “Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!” 10 Pagpasok niya sa Jerusalem ay nagkagulo sa buong lungsod. “Sino ba ang taong ito?” tanong ng mga tao. 11 Sinabi ng marami, “Siya ang propetang si Jesus, na taga-Nazareth ng Galilea.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(D)

12 Pumasok si Jesus sa templo,[a] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Pinagbabaligtad niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13 Sinabi (E) niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’
    ngunit ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

14 Lumapit sa kanya sa templo ang mga bulag at ang mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Subalit nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo, nagsasabing, “Hosanna sa Anak ni David.” 16 At (F) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo. Hindi pa ba ninyo nababasa,

    ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga musmos,
    naghanda ka para sa iyong sarili ng papuring lubos?’ ”

17 Pagkatapos niyang iwan sila, lumabas siya sa lungsod papuntang Betania, at doon ay nagpalipas ng gabi.

Sinumpa ang Puno ng Igos(G)

18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (H) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(I)

23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong may dalawang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’ 29 Subalit siya'y sumagot at nagsabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. 30 Lumapit din siya sa pangalawa, at gayundin ang sinabi. ‘Pupunta po ako’, ang sabi nito, ngunit hindi naman pumunta. 31 Alin sa dalawa ang sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae ay nauuna pa sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat (J) dumating sa inyo si Juan upang ipakita ang daan ng katuwiran, gayunma'y hindi kayo naniwala sa kanya; subalit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae. At kahit nakita ninyo ito ay hindi pa rin kayo nagbago ng pag-iisip at naniwala sa kanya.

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(K)

33 “Dinggin (L) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang taong pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng ubas sa kanyang bukirin, at binakuran niya ang palibot nito. Naglagay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan. 34 Nang malapit na ang panahon ng pamimitas ng bunga, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kumuha ng mga bunga para sa kanya. 35 Subalit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. 36 Muli siyang nagpadala ng iba pang mga alipin na mas marami pa sa nauna; subalit ganoon din ang ginawa nila sa kanila. 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki. Wika niya, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Subalit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya nang makuha natin ang kanyang mana.’ 39 Kaya't siya'y kinuha nila, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. 40 Kaya't pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kanyang gagawin sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kanya, “Papatayin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na paraan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa mga takdang panahon.” 42 Sinabi (M) ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan;
Ito'y gawa ng Panginoon,
    at kahanga-hangang pagmasdan’?

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng mga bunga nito.’ 44 [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[b]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, naunawaan nilang tungkol sa kanila ang kanyang mga sinasabi. 46 At nang balak na sana nilang dakpin si Jesus, natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala nila na siya'y isang propeta.

Error: 'Nehemias 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Gawa 21

Si Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila ay naglakbay kami patungong Cos. Kinabukasa'y nagtungo naman kami sa Rodas, at buhat doon ay sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong daraan sa Fenicia, kaya sumakay kami at naglakbay. Dumaan kami sa dakong timog ng Cyprus, pagkatapos ay patuloy na naglayag hanggang sa Syria. Dumaong kami sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. Nakatagpo kami roon ng mga alagad at isang linggo kaming tumigil sa piling nila. Sa patnubay ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. Nang dumating na ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Inihatid kami ng lahat ng mga kapatid, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, hanggang sa labas ng bayan. Pagdating sa baybayin, kami'y sama-samang lumuhod at nanalangin. Matapos magpaalam sa isa't isa, sumakay kami ng barko, at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.

Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay mula sa Tiro, hanggang dumating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid doon at nanatiling kasama nila ng isang araw. Kinabukasan, (A) nagtungo kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong tagapaglingkod. Siya ay may apat na anak na dalaga na nagpapahayag ng propesiya. 10 Ilang araw na kaming naroroon (B) nang dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at tinalian niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Banal na Espiritu, ‘Ganito tatalian ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’ ” 12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lang ninyo ang loob ko. Handa ako, hindi lamang mabilanggo kundi kahit mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Tumigil kami nang hindi namin siya mapigil. Sinabi na lamang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”

15 Pagkaraan ng ilang araw, naghanda na kami patungo sa Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, na matagal nang alagad. Doon kami nanuluyan.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami at si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; naroroon din ang lahat ng matatandang namamahala ng iglesya. 19 Binati silang lahat ni Pablo, at pagkatapos ay isa-isa niyang isinalaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. 20 Nang marinig nila ito, pinuri nila ang Diyos at sinabi kay Pablo, “Kapatid, ilang libo na sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa Kautusan. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikuran na si Moises. Sinasabi mo rin daw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sumunod sa mga kaugalian. 22 Ano ang dapat naming gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Kaya't (C) ganito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis. Ikaw na ang magbayad para maahit ang kanilang mga ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na walang katotohanan ang kanilang nabalitaan tungkol sa iyo, kundi ikaw mismo ay tumutupad sa Kautusan. 25 Tungkol (D) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng sulat na nagsasaad ng aming pasyang huwag silang kumain ng mga ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, ng hayop na binigti,[a] at umiwas sa pakikiapid.” 26 Isinama nga ni Pablo ang mga lalaking may panata at kinabukasan ay isinagawa ang paglilinis. Pagkatapos ay pumasok siya sa Templo upang ipagbigay-alam kung kailan matatapos ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, nakita ng mga Judiong taga-Asia si Pablo na nasa Templo. Sinulsulan nila ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayang Israelita, tulungan ninyo kami! Ito ang taong nagtuturo sa lahat laban sa ating bansa, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Nagsama pa siya ng mga Griyego sa Templo! Nilalapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Sinabi nila iyon sapagkat (E) nakita nila noong una na kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso, at inakala nilang ipinasok niya ito sa Templo. 30 Nagkagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang mga pintuan. 31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, nabalitaan ng kapitan ng mga kawal na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturyon, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Nang makita ng mga tao ang kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. 33 Pagkatapos nito, lumapit ang kapitan, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito?” tanong niya. “Ano ba'ng ginawa niya?” 34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao; at dahil sa kaguluhan ay hindi maunawaan ng kapitan ang totoong nangyari. Kaya't iniutos niyang dalhin si Pablo sa himpilan. 35 Nang dumating si Pablo sa hagdanan, binuhat na siya ng mga kawal sapagkat naging marahas na ang maraming tao. 36 Sumusunod ang taong-bayan at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan ay sinabi niya sa kapitan, “Maaari ba kayong makausap?”

At sinabi ng kapitan, “Marunong ka ng Griyego? 38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipciong nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?” 39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng hindi hamak na lungsod. Nakikiusap ako, pahintulutan ninyo akong magsalita sa mga taong-bayan.” 40 Pinayagan siya ng kapitan kaya't siya'y tumayo sa mga baytang at sumenyas sa mga tao. Nang sila'y tumahimik ay nagsalita siya sa wikang Hebreo:

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.