Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 16

Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin

16 Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.

Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.

Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”

Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.

Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”

At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,

at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”

Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”

Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”

10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.

11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

12 “Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”

Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob

13 Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.

14 Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.

15 Nang(B) makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.

16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”

17 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.

18 Subalit(C) nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.

19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga.”

20 Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises.

Ang Pamumulot ng Manna

21 Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw.

22 Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises.

23 Kanyang(D) sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon, ‘Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa Panginoon. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.’”

24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod.

25 Sinabi ni Moises, “Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa Panginoon, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang.

26 Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito.”

27 Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan.

28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas?

29 Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng Panginoon ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”

30 Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.

31 Iyon(E) ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.

32 Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”

33 Sinabi(F) ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”

34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan[a] upang ingatan.

35 Ang(G) mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.

36 Ang isang omer[b] ay ikasampung bahagi ng isang efa.

Lucas 19

Si Jesus at si Zaqueo

19 Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico,

at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman.

Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak.

Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon.

At nang dumating si Jesus[a] sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.”

Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap.

Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.”

Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.”

At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham.

10 Sapagkat(A) ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”

Ang Talinghaga ng Sampung Mina[b](B)

11 Samantalang(C) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.

12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.

13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’

14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’

15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.

16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’

17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’

18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’

19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’

20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;

21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’

22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.

23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’

24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’

25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’

26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(E)

28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.

29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,

30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.

31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”

32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.

33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’

34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”

35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.

36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[c] ang kanilang mga damit sa daan.

37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,

38 na(F) sinasabi,

“Mapalad ang Hari
    na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
    at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”

39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”

40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”

Iniyakan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan,

42 na sinasabi, “Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata.

43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig.

44 At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(G)

45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,

46 na(H) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
    subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”

47 Nagturo(I) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.

48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.

Job 34

Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos

34 At sumagot si Elihu, at sinabi,

“Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino;
    kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako;
sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita,
    gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa.
Piliin natin kung ano ang matuwid;
    ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti.
Sapagkat sinabi ni Job, ‘Ako'y walang kasalanan,
    at inalis ng Diyos ang aking karapatan;
itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran,
    at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.’
Sinong tao ang katulad ni Job,
    na ang panunuya ay tila tubig na iniinom,
na nakikisama sa mga gumagawa ng masama,
    at lumalakad na kasama ng taong masasama?
Sapagkat kanyang sinabi, ‘Ang tao'y walang mapapakinabang,
    kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.’

10 “Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa,
    malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama,
    at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa.
11 Sapagkat(A) sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa,
    at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya.
12 Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan,
    at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan.
13 Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa?
    O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya?
14 Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya,
    at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga;
15 lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay,
    at babalik sa alabok ang sangkatauhan.

16 “Kung mayroon kang pang-unawa ay dinggin mo ito;
    ang aking sinasabi ay pakinggan mo.
17 Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan?
    Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan,
18 na nagsasabi sa isang hari: ‘Walang kuwentang tao,’
    at sa mga maharlika: ‘Masamang tao;’
19 na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno,
    ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman,
    sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay?
20 Sa isang sandali sila'y namamatay;
    sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw,
    at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao.

21 “Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao,
    at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
22 Walang dilim ni malalim na kadiliman,
    na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.
23 Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon,
    upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom.
24 Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat,
    at naglalagay ng iba na kanilang kahalili.
25 Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa,
    kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa.
26 Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan
    sa paningin ng mga tao,
27 sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya,
    at hindi pinahalagahan ang anuman sa mga lakad niya,
28 anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya,
    at ang daing ng napipighati ay narinig niya—
29 sino ngang makakahatol kapag tahimik siya?
    Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya?
    Maging ito'y isang tao o isang bansa?—
30 upang huwag maghari ang taong walang diyos,
    upang ang bayan ay hindi niya malinlang.

31 “Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba,
    ‘Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa;
32 ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita,
    kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?’
33 Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo,
    sapagkat ito ay iyong tinanggihan?
Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako;
    kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman.
34 Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan,
    at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay:
35 ‘Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman,
    ang kanyang mga salita ay walang karunungan.’
36 Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan,
    sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan.
37 Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan,
    ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan,
    at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan.”

2 Corinto 4

Kayamanan sa Sisidlang-lupa

Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.

Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.

At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.

Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.

Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.

Sapagkat(A) ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.

Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.

Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;

pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;

10 na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.

11 Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.

12 Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.

13 Yamang(B) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;

14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.

15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Pamumuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.

17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,

18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001