M’Cheyne Bible Reading Plan
24 Nang panahon ng paghahari ni Jehoyakim, nilusob ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Juda at sa loob ng tatlong taon napasailalim sa kanyang pamamahala si Jehoyakim. Pero sa huli nagrebelde siya kay Nebucadnezar. 2 Ipinadala ng Panginoon ang mga taga-Babilonia,[a] taga-Aram, taga-Moab at taga-Ammon para lusubin ang Juda, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. 3 Nangyari ito sa Juda ayon sa iniutos ng Panginoon, para mapalayas niya ang mga ito sa harapan niya, dahil sa mga kasalanang ginawa ni Manase. 4 Ang pagpatay niya sa mga inosenteng tao at ang pagdanak ng dugo nito sa Jerusalem ay hindi mapapatawad ng Panginoon.
5 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 6 Nang mamatay si Jehoyakim, ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
7 Hindi na muling lumusob ang hari ng Egipto, dahil sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng teritoryo nito, mula sa Lambak ng Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates.
Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(A)
8 Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan. 9 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoyakim.
10 Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem at pinalibutan ito. 11 Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod. 12 At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.
Nang ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoyakin. 13 Ayon sa sinabi noon ng Panginoon, kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa templo ng Panginoon. 14 At binihag niya ang 10,000 naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.
15 Binihag ni Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda. 16 Binihag din ni Nebucadnezar ang 7,000 pinakamatatapang na sundalo, 1,000 mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin. 17 Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matania na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matania na Zedekia.
Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(B)
18 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 19 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoyakim. 20 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem(C)
Nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.
6 Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, 2 mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. 3 Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin, 4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.
7 Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. 8 Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.
9 Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo. 10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal[a] ng Dios. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
Tiyak ang Pangako ng Dios
13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[b] 15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya. 18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar, 20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.
Parurusahan ang mga Bansa
3 Sinabi ng Panginoon, “Sa panahong iyon na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Juda at Jerusalem,[a] 2 titipunin ko ang mga bansa at dadalhin ko sila sa Lambak ni Jehoshafat.[b] Doon ko sila hahatulan dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita na aking mamamayan na pag-aari ko. Pinangalat nila ang mga Israelita sa ibaʼt ibang bansa at pinaghati-hatian ang aking lupain. 3 Nagpalabunutan sila para paghati-hatian ang aking mga mamamayan, at ipinagbili nila bilang alipin ang mga batang lalaki at babae, upang ibili ng alak at ibayad sa babaeng bayaran.
4 “Kayong mga taga-Tyre, taga-Sidon, at ang lahat ng lugar ng Filistia, ano ba itong ginagawa ninyo laban sa akin? Ginagantihan ba ninyo ako sa mga bagay na aking ginawa? Kung ganoon, gagantihan ko agad kayo sa inyong ginagawa.[c] 5 Sapagkat kinuha ninyo ang aking mga ginto at pilak at iba pang mamahaling bagay at dinala ninyo ito roon sa inyong mga templo. 6 Ipinagbili ninyo sa mga Griego ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem bilang mga alipin, upang mailayo ninyo sila sa sarili nilang bayan. 7 Pero tutulungan ko silang makaalis sa mga bayang sa mga bayang pinagbilhan ninyo sa kanila, at gagawin ko sa inyo ang inyong ginawa sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda, at ipagbibili naman nila ang mga ito sa mga taga-Sabea[d] na nakatira sa malayong lugar.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 Ipaalam ito sa mga bansa: Humanda kayo sa pakikipagdigma. Tawagin ninyo ang inyong mga sundalo upang sumalakay. 10 Gawin ninyong mga espada ang sudsod ng inyong mga araro at gawin ninyong mga sibat ang inyong mga panggapas. Kahit ang mahihina ay kailangang makipaglaban. 11 Pumarito kayo, lahat kayong mga bansang nasa paligid, at magtipon kayo doon sa Lambak ni Jehoshafat. Panginoon, papuntahin nʼyo na po roon ang inyong hukbo.[e]
12 Sinabi ng Panginoon, “Kailangang hikayatin ang mga bansa sa paligid na pumunta sa Lambak ni Jehoshafat, dahil doon ko sila hahatulan. 13 Para silang mga aanihin na kailangan nang gapasin dahil hinog na, o parang ubas na kailangan nang pisain dahil puno na ng ubas ang pisaan. Ubod sila ng sama; ang kanilang kasalanan ay parang katas ng ubas na umaapaw sa sisidlan nito.”
14 Napakaraming tao ang naroon sa Lambak ng Paghatol, dahil malapit nang dumating ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 15 Magdidilim ang araw at ang buwan, at hindi na magliliwanag ang mga bituin. 16 Aatungal na parang leon ang Panginoon mula sa Zion;[f] dadagundong ang kanyang tinig mula sa Jerusalem. Kaya mayayanig ang lupa at langit. Pero ang Panginoon ang matibay na kanlungan para sa mga Israelita na kanyang mamamayan.
Ang mga Pagpapalang para sa mga Mamamayan ng Dios
17 Sinabi ng Panginoon, “Malalaman ninyong mga taga-Juda na ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay nakatira sa Zion, ang aking banal na bundok. Magiging banal muli ang Jerusalem; hindi na ito muling lulusubin ng ibang bansa. 18 Sa panahong iyon, pagpapalain ko kayo. Magiging sagana ang inyong bagong katas ng ubas na mula sa maraming ubas sa mga bundok. Magiging sagana rin ang inyong gatas mula sa maraming baka at kambing na nanginginain sa mga burol. At hindi na matutuyuan ang inyong mga sapa at ilog. At may bukal mula sa templo ng Panginoon na dadaloy sa lambak na may mga punong akasya.[g]
19 “Ang Egipto ay magiging malungkot na lugar at ang Edom ay magiging ilang, dahil pinagmalupitan nila ang mga taga-Juda; pinatay nila ang mga taong walang kasalanan. 20 Pero ang Juda at ang Jerusalem ay titirhan magpakailanman. 21 Ipaghihiganti ko ang mga pinatay sa aking mga mamamayan. Parurusahan ko ang mga gumawa nito sa kanila.[h] Ako, ang Panginoon na nakatira sa Zion.”
Panalangin sa Oras ng Kahirapan
143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2 Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3 Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4 Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5 Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6 Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
7 Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8 Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ako nananalangin.
9 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Dios.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®