M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Ilawan(A)
24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan 3 sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. 4 Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.
Ang Sagradong mga Tinapay
5 “Magluluto(B) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. 6 Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. 7 Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. 8 Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. 9 Pagkatapos(C) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”
Paglapastangan at Kaparusahan
10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.
13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.
17 “Ang(D) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.
19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(E) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(F) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
upang hindi laitin ng mga kaaway.
21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
nang ang iyong tulong ay aking hingin.
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Patungkol sa Buhay
7 Ang(A) mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;
at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan
kaysa bahay na may handaan,
pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,
pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
4 Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,
ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
5 Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino
kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
6 Ang halakhak ng mangmang
ay tulad ng siklab ng apoy,
walang kabuluhan.[a]
7 Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.
Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
8 Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.
Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
9 Pag-aralan(B) mong magpigil sa sarili;
mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,
pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.
Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? 14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?
15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. 16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? 17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. 18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.
19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.
20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; 22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.
23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. 24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. 25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan[b] ang magpakamangmang. 26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. 27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. 28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. 29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”
Ang mga Huling Araw
3 Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. 2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. 4 Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. 7 Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. 8 At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Mga Huling Tagubilin
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.