M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan
8 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” 3 Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. 4 Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.
Ang Pagtatalaga sa mga Levita
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 6 “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. 7 Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. 8 Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 9 Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.
13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(B) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”
20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.
Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita
23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3 hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5 Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6 Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
7 Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
Mga Babae:
6 O babaing napakaganda,
giliw mo'y saan ba nagpunta?
Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.
Babae:
2 Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin,
sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim
upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
3 Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako;
sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.
Ang Ikalimang Awit
Mangingibig:
4 Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay,
tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan.
5 Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay,
pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay.
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
6 Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis,
walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis.
7 Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan
nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay.
8 Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo;
bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo.
9 Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang,
kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan.
Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal,
kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman.
“Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi
mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri.
10 “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway,
kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?”
11 Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan
upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman.
Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga,
at saka ang mga puno nitong kahoy na granada.
12 Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik;
katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais.
Mga Babae:
13 Magsayaw ka, magsayaw ka,[a] O babaing Sulamita,
upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda.
Babae:
Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita,
na tulad ng mananayaw sa panahon noong una?
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(B) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(C) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(D) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.