M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Levita at ang Kanyang Asawang Alipin
19 Nang panahong iyon na wala pang hari ang Israel, may isang Levita[a] na nakatira sa malayong bahagi ng kabundukan ng Efraim. Ang Levitang ito ay nakapag-asawa ng isang alipin na taga-Betlehem sa Juda. 2 Pero ang babaeng ito ay nagtaksil sa kanyang asawa at umuwi sa bahay ng magulang niya sa Betlehem. Pagkalipas ng apat na buwan, 3 nagdesisyon ang Levita na sunduin ang asawa niya at kumbinsihing magsama silang muli. Kaya umalis siya kasama ang isa niyang utusan at dalawang asno. Pagdating niya roon, pinatuloy siya ng babae. Nang makita siya ng ama ng babae, malugod siyang tinanggap. 4 Pinilit siya ng biyenan niyang lalaki na manatili roon. Kaya nanatili siya sa loob ng tatlong araw na doon kumakain, umiinom at natutulog.
5 Nang ikaapat na araw, maaga silang bumangon para magkasamang umuwi. Pero sinabi ng ama ng babae sa manugang niya, “Kumain muna kayo bago umalis.” 6 Kaya kumain silang dalawa. Pagkatapos, sinabi ng ama ng babae, “Dito muna kayo magpalipas ng gabi dahil magsasaya tayo.” 7 Hindi sana siya papayag pero pinilit siya ng biyenang lalaki, kaya nanatili na lang sila. 8 Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila. 9 Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayo umalis bukas.”
10-11 Pero hindi na pumayag ang Levita, sa halip, umalis siya at ang asawa niya, kasama ang utusan at ang dalawang asno. Papalubog na ang araw nang dumating sila malapit sa Jebus (na siyang Jerusalem ngayon). Kaya sinabi ng utusan ng Levita, “Mabuti po siguro na rito na lang tayo matulog sa lungsod na ito ng mga Jebuseo.” 12 Sumagot ang Levita, “Hindi maaari na dito tayo matulog sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea. 13 Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.” 14 Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin. 15 Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.
16 Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.
17 Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?” 18 Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin[b] sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya. 19 May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.” 20 Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.” 21 Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.
22 Habang nagkakasayahan sila, biglang pinaligiran ng masasamang tao ang bahay, at kinalabog ang pintuan. Sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.” 23 Sumagot ang matanda, “Bisita ko siya, kaya huwag nʼyo siyang gawan ng marumi at kahiya-hiyang bagay. 24 Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”
25 Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita. 26 Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.
27 Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan para umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan. 28 Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Pero patay na pala ang babae, kaya ikinarga niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.
29 Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa 12 bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa 12 lahi ng Israel. 30 Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”
23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” 2 Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. 3 Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” 4 Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” 5 Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”
7 Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. 8 Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. 9 Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”
10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”
Ang Planong Pagpatay kay Pablo
12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
16 Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” 18 Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” 19 Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” 20 Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. 21 Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” 22 Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinadala si Pablo sa Cesarea
23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” 25 At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:
26 “Mula kay Claudius Lysias.
“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:
27 “Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. 28 Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. 29 Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. 30 Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”
31 Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. 33 Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. 34 Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, 35 sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.
Mga Pangakong Pagpapala
33 Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses. 2 Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito – Panginoon ang pangalan niya:
3 “Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam. 4 Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway, 5 papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.
6 “Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan. 7 Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag[a], at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon. 8 Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin. 9 At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”
10 Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan. 11 Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
12 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Kahit na mapanglaw ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan. 13 Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negev, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel. 15 Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain. 16 At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”[b]
17 Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel. 18 At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.”
19 At sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras, 21 ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin. 22 Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.”
23 Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias, 24 “Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa. 25 Pero sinasabi ko na hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa, 26 mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”
Panalangin sa Oras ng Panganib
3 Panginoon, kay dami kong kaaway;
kay daming kumakalaban sa akin!
2 Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
3 Ngunit kayo ang aking kalasag.
Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
4 Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[a] na bundok.
5 At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
6 Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.
7 Pumarito kayo, Panginoon!
Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
8 Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.
Panalangin sa Gabi
4 O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.
2 Kayong mga kumakalaban sa akin,
kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[b]
3 Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
4 Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
5 Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.
6 Marami ang nagsasabi,
“Sino ang magpapala sa amin?”
Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
7 Pinaliligaya nʼyo ako,
higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
8 Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®