M’Cheyne Bible Reading Plan
Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad
17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, 2 kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. 3 (A)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. 4 Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. 6 Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; 8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. 9 Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (B)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.
24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”
1 Mula kina (A) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[a] 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, 5 dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. 7 Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[b] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. 8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. 9 Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.
Ang Mithiin ni Pablo
12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (B) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.
15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (C) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.