M’Cheyne Bible Reading Plan
Nalupig ng Israel si Haring Og(A)
3 “Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’
3 “Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. 4 Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, 5 ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. 6 Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. 7 Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin.
8 “Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (9 Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) 10 Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.”
(11 Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong[a][b] niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.)
Ang mga Liping Nanirahan sa Silangan ng Jordan(B)
12 “Nang masakop natin ang bansang iyon, ibinigay ko sa lipi nina Ruben at Gad ang lupain mula sa Aroer na nasa tabi ng Ilog Arnon, at ang kalahati ng Gilead. 13 Ang kalahati naman ng Gilead, ang Bashan, samakatuwid ang buong Argob ay ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases.”
(Ang buong Bashan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. 14 Ang buong lupain nga ng Argob, at ang Bashan, hanggang sa hangganan ng mga Gesureo at Maacateo, ay napunta kay Jair na anak ni Manases. Hanggang ngayon, may ilang nayon doon na tinatawag na Mga Nayon ni Jair, sunod sa pangalan niya.)
15 “Ang Gilead naman ay ibinigay ko kay Maquir. 16 Sa mga lipi naman nina Ruben at Gad ay ibinigay ko ang lupain mula sa Gilead hanggang sa kalagitnaan ng Ilog Arnon. Ang Ilog Arnon ang hangganan nito sa timog at ang Ilog Jabok naman sa hilaga. Dito naman nagsimula ang lupain ng lahi ni Ammon. 17 Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan.
18 “Sinabi(C) ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. 19 Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. 20 Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’
21 “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. 22 Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’
Hindi Pinapasok sa Canaan si Moises
23 “Nakiusap(D) ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, 24 ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? 25 Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’
26 “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. 27 Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. 28 Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’
29 “At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor.
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.
4 Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Ipagtatanggol ng Diyos ang Jerusalem
31 Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto
at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo,
nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe,
at sa matatapang nilang mangangabayo,
sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh,
ang Banal na Diyos ng Israel.
2 Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa, nagpapadala siya ng salot.
At gagawin niya ang kanyang sinabi.
Paparusahan niya ang gumagawa ng masama
at ang mga tumutulong sa kanila.
3 Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin,
karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu.
Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa,
pati ang mga tinulungan nito.
Sila'y pare-parehong mawawasak.
4 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh:
“Walang makakapigil sa akin sa pagtatanggol sa Bundok ng Zion,
kung paanong ang leon ay hindi mapipigil sa paglapa nito sa kanyang biktima,
kahit pa magsisigaw ang mga pastol.
Kaya't sa pagdating ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang makakapigil,
upang ipagtanggol ang Zion at ang mga burol nito.
5 Tulad ng pag-aalaga ng ibon sa kanyang inakay,
gayon iingatan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang Jerusalem.
Ipagtatanggol niya ito at ililigtas;
hindi niya ito pababayaan.”
Magbalik-loob kay Yahweh
6 Sinabi ng Diyos, “Bayang Israel, magbalik-loob ka sa akin,
labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik.
7 Pagdating ng araw na iyon, itatapon ng bawat isa
ang kanyang mga diyus-diyosang pilak at ginto
na sila-sila rin ang gumawa.
8 “Ang mga taga-Asiria'y malulupig sa digmaan, ngunit hindi tao ang wawasak sa kanila;
sila'y magtatangkang tumakas,
ngunit aalipinin ang kanilang mga kabataan.
9 Sa tindi ng takot, tatakas ang kanyang pinakapinuno,
at iiwan ng mga opisyal ang kanilang bandila.”
Ito ang sabi ni Yahweh,
ang Diyos na sinasamba at hinahandugan sa Jerusalem.
1 Ito ang pahayag ni Jesu-Cristo na ibinigay ng Diyos sa kanya at kanyang inihayag kay Juan na alipin niya, sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ang layunin ng paghahayag na ito'y ipakita sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na malapit nang maganap. 2 Pinatotohanan ni Juan ang lahat ng kanyang nakita. Ito ang kanyang patotoo tungkol sa mensahe ng Diyos at sa katotohanang ipinahayag ni Jesu-Cristo. 3 Pinagpala ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap.
Pagbati sa Pitong Iglesya
4 Mula(A) kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating, mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, 5 at(B) mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga binuhay mula sa kamatayan, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.
Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya[a] niya tayo sa ating mga kasalanan. 6 Ginawa(C) niya tayong isang kaharian ng mga pari upang maglingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
7 Tingnan(D) ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen.
8 “Ako(E) ang Alpha at ang Omega,”[b] sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang kasalukuyan, nakaraan, at darating.
Isang Pangitain tungkol kay Cristo
9 Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Noon ako'y nasa isla ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at nagpatotoo ako para kay Jesus. 10 Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. 11 Sabi niya, “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita, at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.”
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo(F) sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang(G)(H) kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang(I) ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat.
17 Pagkakita(J) ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, 18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig ng mga patay.[c] 19 Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. 20 Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituing hawak ko sa aking kanang kamay at sa pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.
by