Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Deuteronomio 2

Tulad(A) ng utos sa akin ni Yahweh, nagbalik tayo sa ilang, tungo sa Dagat na Pula.[a] Matagal din tayong naglakbay sa kaburulan ng Seir.

“Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Matagal na rin kayong nagpapaikut-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, lumakad na kayo papuntang hilaga. Dadaan(B) kayo sa Seir, ang lupain ng mga kamag-anak ninyo, ang lahi ni Esau. Takot sila sa inyo ngunit mag-ingat pa rin kayo. Huwag ninyo silang kakalabanin sapagkat kapiraso man ng lupain nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na sa lahi ni Esau ang kaburulan ng Seir. Bibilhin ninyo ang pagkain at inuming kukunin ninyo sa kanila.’

“Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.

“Kaya dumaan lamang tayo sa kanilang lupain at nagpatuloy sa paglalakbay palayo sa Araba, Elat at Ezion-geber. At tayo ay napunta sa ilang ng Moab.

“At(C) sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag rin ninyong guguluhin o sasalakayin ang mga Moabita sapagkat kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Ang lupain ng Ar ay ibinigay ko na sa lahi ni Lot.’”

(10 Ang dating nakatira roon ay ang mga Emita. Marami sila at malalaki ring tulad ng mga higante. 11 Tulad ng mga higante, kilala rin sila sa tawag na Refaim, ngunit Emita ang tawag sa kanila ng mga Moabita. 12 Dati, nakatira rin sa Seir ang mga taga-Hor, ngunit pinuksa sila ng mga anak ni Esau, at sila ang nanirahan roon, tulad ng ginawa ng mga Israelita sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.)

13 “‘Ngayon nga'y magpatuloy kayo; tumawid kayo sa batis ng Zared.’ At ganoon nga ang ginawa natin. 14 Tatlumpu't(D) walong taon ang nakalipas mula nang umalis tayo sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid natin sa Zared. Tulad ng isinumpa ni Yahweh, walang natira sa mga mandirigma ng salinlahing iyon. 15 Patuloy silang nilabanan ni Yahweh hanggang malipol silang lahat.

16 “Nang wala na ngang natitira sa mga mandirigma ng lahing iyon, 17 sinabi sa akin ni Yahweh, 18 ‘Ngayon ay tumawid kayo sa Ar, sa hangganan ng Moab. 19 Pagdaan(E) ninyo sa lupain ng mga anak ni Ammon, huwag ninyo silang guguluhin o didigmain sapagkat kapiraso man ng lupa nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na iyon sa mga anak ni Lot.’”

(20 Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim. 21 Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon. 22 Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon. 23 Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.)

24 “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya. 25 Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’

Nalupig ng Israel si Haring Sihon(F)

26 “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan: 27 ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami 29 tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’

30 “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.

31 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’ 32 Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz. 33 Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh. 34 Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon. 35 Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin. 36 Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh. 37 Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos.

Mga Awit 83-84

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano,
    kanilang pasya ay lumaban sa iyo.
Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,
    Moab at Agarenos lahat nagkaisa.
Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya,
    Amalek at Tiro at ang Filistia.
Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan,
    sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah)[a]

Mga(A) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
    kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
    sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
11 Yaong(B) mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.
    Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
12 sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos
    ay ating kamkami't maging ating lubos.”

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[b]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[c]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[d]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

Isaias 30

Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto

30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
    palala nang palala ang kanilang kasalanan.
Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
    upang humingi ng tulong sa Faraon;
    ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
    at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
    at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
mapapahiya lamang kayong lahat,
    dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
    wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:

Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
    sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
    ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
    upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
    kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”

Tumangging Makinig ang Israel

Halika, at isulat mo sa isang aklat,
    kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
    kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
    At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
    at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
    at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:
“Tinanggihan mo ang aking salita,
    at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,
    tulad ng pagguho ng isang marupok na pader
    na bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayok
    na ibinagsak nang walang awa;
wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,
    o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”

Magtiwala kay Yahweh

15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;
    kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”
Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,
sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,
    ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,
    sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;
matutulad kayo sa tagdan ng bandila
    na doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;
sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;
    mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. 20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. 21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” 22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”

23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.

24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. 25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. 26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.

Paparusahan ng Diyos ang Asiria

27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,
    nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;
ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,
    at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hangin
    na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.
Wawasakin nito ang mga bansa
    at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.

29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. 30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. 31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. 32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.

Judas

Mula(A) kay Judas, lingkod[a] ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago—

Para sa mga tinawag ng Diyos, mga namumuhay sa pag-ibig ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesu-Cristo.

Sumagana nawa sa inyo ang habag, kapayapaan at pag-ibig.

Ang mga Huwad na Guro

Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman[b] sa mga banal, sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.

Kahit(B) na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon[c] ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nanalig sa kanya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. Alalahanin(C) din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat.

Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang[d] kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang maykapangyarihan at nilalait ang mariringal na anghel. Kahit(D) si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay, “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” 10 Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang hindi nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. 11 Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya.

12 Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit hindi nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. 13 Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman.

14 Tungkol(E) din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel 15 upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” 16 Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, sumusunod sa kanilang mga pagnanasa, mayayabang, at sanay mambola para makuha ang gusto nila.

Mga Babala at mga Payo

17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(F) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.

20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.

22 Kaawaan[e] ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.

Bendisyon

24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.