Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 40

Ang Pagtatayo at ang Pagtatalaga sa Toldang Tipanan

40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo. Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw. Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito. Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig. Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito.

“Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal. 10 Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado. 11 Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din.

12 “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal. 13 Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari. 14 Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan. 15 Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.”

16 Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh. 17 Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. 18 Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste. 19 Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh. 20 Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. 21 Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.

22 Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. 23 Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog. 24 Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at 25 iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh. 26 Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing. 27 Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh. 28 Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo. 29 Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh. 30 Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig. 31 Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak. 32 Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. 33 Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.

Ang Ulap at ang Tabernakulo(A)

34 Nang(B) magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.

Juan 19

19 Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus.

Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!” At lumabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Pagmasdan ninyo ang taong ito!”

Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!”

Sinabi ni Pilato, “Kayo ang bahala sa kanya at magpako sa kanya sa krus, dahil wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.”

Sumagot ang mga Judio, “Mayroon kaming batas at ayon dito ay nararapat siyang mamatay, sapagkat sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos.”

Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. 10 Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mong magsalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”

11 Sumagot(A) si Jesus, “Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.”

12 Nang marinig ito ni Pilato, naghanap siya ng paraan upang palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador.”

13 Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa upuan ng hukom na nasa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo.

14 Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas-dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!”

15 Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!”

“Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!”

16 Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(B)

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Dako ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. 18 Doon ay ipinako siya sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. 19 Gumawa si Pilato ng isang karatula at inilagay sa krus; ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya't sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag ninyong isulat ang, ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”

22 Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”

23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya't(C) nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
    at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!”

27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(D)

28 Alam(E) ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. 30 Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinaksak ng Sibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasama ni Jesus. 33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala.[a] Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. 36 Nangyari(F) ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” 37 At(G) may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus(H)

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(I) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

Mga Kawikaan 16

Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali

16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
    ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila.
Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos,
    ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin,
    at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Lahat ng nilalang ni Yahweh ay mayroong kadahilanan,
    at ang masasama, kaparusahan ang kahihinatnan.
Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang,
    at sila'y tiyak na paparusahan.
Katapatan(A) kay Yahweh, bunga ay kapatawaran,
    ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan.
Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh,
    maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati.
Ang(B) maliit na halaga buhat sa mabuting paraan
    ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan.
Ang tao ang nagbabalak,
    ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.
10 Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan,
    hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan.
11 Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan,
    at sa negosyo ay katapatan.
12 Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan,
    pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan.
13 Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan,
    at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan.
14 Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari;
    kapag nagalit ang hari, may buhay na masasawi.
15 Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal,
    may dalang ulan, may taglay na buhay.
16 Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,
    at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
17 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan;
    ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak,
    at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mapagpakumbaba kahit na mahirap,
    kaysa makihati sa yaman ng mapagmataas.
20 Ang sumusunod sa payo ay mananagana,
    at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
21 Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,
    ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino,
    ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao.
23 Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,
    kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.
24 Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan,
    matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
25 May(C) daang matuwid sa tingin ng tao,
    ngunit kamatayan ang dulo nito.
26 Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap;
    upang ang gutom ay bigyan ng lunas.
27 Ang laman ng isip ng tampalasan ay puro kasamaan,
    ang kanyang mga labi ay parang nakakapasong apoy.
28 Ang(D) taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan,
    at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
29 Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa,
    at ibinubuyo sa landas na masama.
30 Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat;
    pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak.
31 Ang mga uban ay putong ng karangalan,
    ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay.
32 Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan,
    at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.
33 Isinasagawa ng tao ang palabunutan,
    ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan.

Filipos 3

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.

Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(C) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.