M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan
23 “Huwag(A) kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. 2 Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. 3 Ngunit(B) huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung(C) makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. 5 Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
6 “Huwag(D) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. 7 Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. 8 Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
9 “Huwag(E) ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw
10 “Anim(F) (G) na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.
Ang Tatlong Pangunahing Pista
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(H) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang(I) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.
“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.
18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.
19 “Dadalhin(J) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
Mga Pangako at mga Tagubilin
20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.
27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway[a] at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula[b] hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”
Ang Unang Himala ni Jesus
2 Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”
4 Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[a] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”
5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6 May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. 7 Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”
At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”
11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos(A) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.
Pagmamalasakit para sa Templo(B)
13 Malapit(C) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17 Naalala(D) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19 Sumagot(E) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.
41 “Mahuhuli(A) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng pamingwit?
Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
2 Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
3 Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
4 Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
5 Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
6 Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
paghatian kaya siya upang maipagbili?
7 Tablan kaya ang makapal niyang balat,
sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
8 Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.
9 “Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10 Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11 Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.
12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. 2 Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3 Ngunit(A) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
5 Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.
7 Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? 8 Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. 9 At(B) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!
12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.
Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!
Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(C) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(D) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(E) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][b], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(F) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.
30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(G) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.