M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
9 Sumakay si Jesus sa isang bangka, tumawid sa kabilang pampang at dumating sa kanyang sariling bayan. 2 Dinala sa kanya ng mga tao ang isang paralitikong nakaratay sa isang banig. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 May mga tagapagturo ng Kautusan na naroon ang nagsabi sa kani-kanilang sarili, “Lumalapastangan ang taong ito.” 4 Subalit dahil nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip, sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso? 5 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’? o ang sabihing, ‘Bumangon ka at lumakad’? 6 Subalit upang malaman ninyong dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan at umuwi ka na.” 7 Bumangon nga ang paralitiko at umuwi. 8 Nang makita ito ng napakaraming tao, natakot sila at nagbigay-luwalhati sa Diyos na nagkaloob ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Ang Pagtawag kay Mateo(B)
9 Sa paglalakad ni Jesus mula roon ay nakita niya ang isang taong tinatawag na Mateo, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga siya at sumunod sa kanya. 10 Habang nakaupo si Jesus sa may hapag-kainan sa bahay, maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumating at naupong kasalo niya at ng kanyang mga alagad. 11 Nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit ang inyong guro ay nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang malulusog, kundi ang mga may sakit. 13 Humayo kayo at pag-aralan ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko'y habag, at hindi handog.’ Sapagkat dumating ako hindi upang tawagin ang matutuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(C)
14 Dumating naman sa kanya ang mga alagad ni Juan, at nagsabi, “Bakit kami pati ang mga Fariseo ay nag-aayuno, samantalang ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?” 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang magpakalungkot ang mga inanyayahan sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at doon pa lamang sila mag-aayuno. 16 Walang taong gumagamit ng hindi pa pinaurong na tela upang itagpi sa lumang damit, sapagkat babatakin ng itinagping tela ang damit, at lalong magiging malaki ang sira. 17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang lalagyang balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang mga balat, matatapon ang alak, at magpupunit-punit ang mga balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong lalagyang balat, at pareho silang magtatagal.”
Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(D)
18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito sa kanila, dumating ang isang pinuno at nanikluhod sa kanya. “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan ninyo at ipatong ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad. 20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang pinahihirapan ng pagdurugo, lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. 21 Sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus, at pagkakita sa babae ay sinabi niya, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pagsampalataya.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang babae. 23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno at makita ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakagulo, 24 sinabi niya, “Umalis na kayo. Hindi naman patay ang bata kundi natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang batang babae at ito'y bumangon. 26 Kumalat ang balita tungkol dito sa buong lupaing iyon.
Pinagaling ang Dalawang Bulag
27 Habang nililisan ni Jesus ang dakong iyon, may dalawang lalaking bulag na sumunod sa kanya at sumisigaw nang malakas, “Maawa ka sa amin, Anak ni David.” 28 Pagpasok niya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag, at sinabi ni Jesus sa kanila, “Naniniwala ba kayong kaya kong gawin ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” 29 Hinawakan niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari sa inyo ang inyong pinaniniwalaan.” 30 At sila'y nakakita. Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus, “Tiyakin ninyong walang ibang makaaalam nito.” 31 Subalit pag-alis nila ay ipinamalita nila ang tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.
Pinagaling ang Lalaking Pipi
32 Nang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang taong pipi dahil ito'y sinasaniban ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo, at ang pipi ay nakapagsalita. Namangha ang napakaraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.” 34 Subalit sinabi ng mga Fariseo, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lungsod at mga nayon, at nagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at ipinapahayag ang Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang kanyang makita ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nababalisa at nakakaawa, na gaya ng mga tupang walang pastol. 37 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. 38 Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng ánihin na magsugo siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Pagtawag kay Saulo(A)
9 Samantala, sumisidhi ang pagnanais ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa Kataas-taasang Pari. 2 Humingi siya sa Kataas-taasang Pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, maging lalaki o babae, ay dadalhin niyang bihag sa Jerusalem. 3 Sa kanyang paglalakbay papalapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. 4 Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” 5 Sinabi niya, “Sino po ba kayo, panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. 6 Tumayo ka at pumasok sa lungsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.” 7 Hindi makapagsalita ang mga taong naglalakbay na kasama niya, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. 8 Tumayo si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata ay wala siyang makita. Kaya't inakay siya ng kanyang mga kasama at ipinasok sa Damasco. 9 Tatlong araw siyang hindi makakita, at hindi rin kumain o uminom. 10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang lalaki na noong nasa Jerusalem ay pumuksa sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dalhing bihag sa harap ng mga punong pari?” 22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. 23 Pagkalipas (B) ng maraming araw, may mga Judio na nagbalak na siya'y patayin. 24 Kaya't binantayan nila ang mga pintuang-bayan araw at gabi sa pag-aabang kay Saulo upang patayin siya. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. 25 Kinagabihan, kinuha siya ng kanyang mga alagad, inilagay siya sa isang tiklis at ibinaba sa kabila ng pader.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, sinikap niyang makisama sa mga alagad. Ngunit silang lahat ay takòt sa kanya sapagkat hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Kaya't iniharap siya ni Bernabe sa mga apostol, at isinalaysay nito sa kanila kung paanong nagpakita at nakipag-usap kay Saulo ang Panginoon noong siya'y nasa daan papuntang Damasco. Sinabi rin nito kung paanong si Saulo ay buong tapang na nangaral sa Damasco sa pangalan ni Jesus. 28 Mula noo'y kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, 29 at buong tapang na nangangaral sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap at nakipagtalo rin siya sa mga Helenista kaya't siya'y pinagsikapan nilang patayin. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinapunta sa Tarso. 31 Sa gayo'y naging mapayapa ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria. Tumatag ito at lumaganap sa patnubay ng Banal na Espiritu, at namuhay na may takot sa Panginoon.
Ang Pagpapagaling kay Aeneas
32 Naglakbay si Pedro sa iba't ibang dako upang dalawin silang lahat, gayundin ang mga banal na naninirahan sa Lidda. 33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking ang pangalan ay Aeneas. Ito ay lumpo at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Bumangon ka at ayusin ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. 35 Nakita siya ng lahat ng mga mamamayan ng Lidda at Sharon, at sila'y nagbalik-loob sa Panginoon.
Ang Pagbuhay kay Dorcas
36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.