M’Cheyne Bible Reading Plan
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, at nakita ko ang isang bituing nahulog sa lupa mula sa langit. Ibinigay sa bituin ang susi ng hukay ng walang hangganang kalaliman. 2 Binuksan (A) niya ang hukay ng kalaliman, at mula roon lumabas ang usok na parang usok ng isang malaking pugon. Nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. 3 At (B) mula sa usok ay lumabas sa lupa ang mga balang, at binigyan sila ng kapangyarihan gaya ng sa mga alakdan ng lupa. 4 Sinabihan (C) sila na huwag pinsalain ang damo ng lupa o anumang luntiang halaman o punongkahoy, kundi ang mga tao lang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo. 5 Sila'y pinayagang pahirapan ang mga taong ito sa loob ng limang buwan, ngunit hindi sila pinayagang patayin ang mga ito. Ang pagpapahirap nila ay tulad ng pagpapahirap ng isang alakdan kapag kumagat ito sa tao. 6 Sa (D) mga araw na iyon, nanaisin ng mga tao ang mamatay, subalit hinding-hindi ito mangyayari sa kanila. Maghahangad silang mamatay, ngunit lalayuan sila ng kamatayan.
7 (E) Tulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan ang anyo ng mga balang. May tila mga koronang ginto sa kanilang mga ulo; ang mukha naman nila ay parang sa mga tao. 8 (F) Ang buhok nila ay tulad ng sa mga babae, at ang kanilang ngipin ay tulad ng sa leon. 9 (G) May mga kaliskis sila na parang baluting bakal, at ang ingay ng kanilang pakpak ay parang ingay ng napakaraming karwahe ng mga kabayong sumusugod sa labanan. 10 May mga buntot at panusok sila na tulad ng sa mga alakdan. Nasa mga buntot nila ang kapangyarihang puminsala sa mga tao nang limang buwan. 11 Mayroon silang hari, ang anghel ng walang hanggang kalaliman. Ang kanyang pangalan ay Abadon sa Hebreo, at Apolyon naman sa Griyego.
12 Lumipas na ang unang masaklap na pangyayari. Ngunit dalawa pang lagim ang darating.
13 Hinipan (H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harap ng Diyos, 14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may hawak ng trumpeta, “Pakawalan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel, na inihanda para sa takdang oras, araw, buwan, at taon, upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Dalawandaang milyon ang bilang ng mga hukbong nakasakay sa kabayo. Narinig ko ang kanilang bilang. 17 Sa (I) aking pangitain ay nakakita ako ng mga kabayo: na ang mga nakasakay ay may mga baluting kulay apoy, jacinto, at asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay tulad ng sa mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay may lumalabas na apoy, usok, at asupre. 18 Mula sa tatlong salot na ito, ikatlong bahagi ng sangkatauhan ang napatay sa pamamagitan ng apoy, usok, at asupreng lumalabas mula sa bibig nila. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang mga buntot nila ay parang mga ahas; may mga ulo ito, at sa pamamagitan ng mga ito'y nakapamiminsala sila.
20 Ang (J) natirang sangkatauhan na hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga likha ng kanilang mga kamay, at hindi rin tumigil sa pagsamba sa demonyo at sa mga diyus-diyosang yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy, na hindi naman nakakakita, nakaririnig ni nakakalakad. 21 At hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpaslang, o pangungulam, pakikiapid, ni sa kanilang pagnanakaw.
8 Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. 2 Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila. 3 Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila. 4 Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. 5 (A)Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” 6 Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya. Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 (B)At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 9 Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya. 10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”
12 (C)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (D)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (E)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. 31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 (F)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (G)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.