Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ruth 1

Ang Pakikiramay ni Ruth kay Naomi

1-2 Noong panahon na hindi pa mga hari ang namumuno[a] sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupaing ito. Kaya si Elimelec na taga-Betlehem na sakop ng Juda ay pumunta sa Moab kasama ang asawa at dalawang anak niyang lalaki, para roon muna manirahan. Ang pangalan ng asawa niya ay Naomi at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Mga angkan sila ni Efrata na taga-Betlehem.

Habang naroon sila sa Moab, namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan. Nag-asawa ang mga anak niya ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpah at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon, namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan.

Nang mabalitaan ni Naomi na pinagpala ng Panginoon ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda. At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda, sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. At loobin sana ng Panginoon na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”

Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila 10 at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.” 11-12 Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo mga anak. Bakit pa kayo sasama sa akin? Akala nʼyo ba makakapag-asawa pa ako at makakapanganak ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Hindi na maaari dahil matanda na ako. Pero ipagpalagay natin na makapag-asawa ako ngayong gabi at magkaanak pa, 13 hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa alang-alang sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng Panginoon.”

14 At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpah ang biyenan niya at umuwi,[b] pero si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi. 15 Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios,[c] kaya sumama ka na rin sa kanya.” 16 Pero sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. 17 Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”

18 Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. 19 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”

20 Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi,[d] kundi tawagin ninyo akong Mara,[e] dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. 21 Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon.”

22 Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada[f] nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.

Gawa 26

Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa

26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,

“Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.

“Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?

“Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[a] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”

Ikinuwento ni Pablo kung Paano Niya Nakilala ang Panginoon(A)

12 “Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damascus na may dalang sulat mula sa mga namamahalang pari. Ang sulat na iyon ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan at pahintulot sa gagawin ko roon. 13 Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ako, biglang kumislap sa paligid namin ng mga kasama ko ang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, na mas nakakasilaw pa kaysa sa araw. 14 Napasubsob kaming lahat sa lupa, at may narinig akong tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Pinaparusahan mo lang ang iyong sarili. Para kang sumisipa sa matulis na kahoy.’ 15 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Jesus na inuusig mo. 16 Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga Judio at sa mga hindi Judio. Ipapadala kita sa kanila 18 para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain

19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”

24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”

30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”

Jeremias 36

Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon

36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”

Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”

Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.

15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”

20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.

27 Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28 “Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29 Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30 Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31 Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

32 Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.

Jeremias 45

Ang Mensahe para kay Baruc

45 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, isinulat ni Baruc ang mga sinabi ni Propeta Jeremias sa kanya. Sinabi ni Jeremias, “Baruc, ito ang sinabi sa iyo ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Sinabi mong nakakaawa ka, dahil dinagdagan ng Panginoon ang paghihirap mo. Pagod ka na sa pagdaing at wala kang kapahingahan!’

“Baruc, ito pa ang sinabi ng Panginoon, ‘Wawasakin ko ang bansang ito na itinayo ko. Bubunutin ko ang itinanim ko. At gagawin ko ito sa buong lupain. Huwag ka nang maghahangad pa ng mga dakilang bagay. Sapagkat pasasapitin ko ang kapahamakan sa lahat ng tao, pero ikaw ay ililigtas ko kahit saan ka pumunta. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Salmo 9

Ang Makatarungang Paghatol ng Dios

Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
    Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
    tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
    Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
    kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
    sila ay lubusang nawasak.
    Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
    at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
    At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
    at wala kayong kinikilingan.
Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
    Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
    at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
    At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
    At ang masasama ay napahamak,
    dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
    dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
    at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.

19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
    tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
    at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®