Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 14

Ginawa ni Joab na mapabalik si Absalom sa Jerusalem.

14 Nahalata nga ni Joab, na anak ni Sarvia, na ang puso ng hari ay nahihilig (A)kay Absalom.

At nagsugo si Joab sa (B)Tecoa, at nagdala mula roon ng isang pantas na babae, at sinabi sa kaniya, Isinasamo ko sa iyong ikaw ay magpakunwari na tagapanaghoy at magluksa, at huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magpakunwaring isang (C)babae na mahabang panahon na tumatangis dahil sa isang namatay:

At pasukin mo ang hari, at magsalita ka ng ganitong paraan sa kaniya. Sa gayo'y inilagay ni Joab ang mga salita sa kaniyang bibig.

At nang magsalita ang babae sa Tecoa sa hari, ay (D)nagpatirapa sa lupa, at nagbigay galang, at nagsabi: Tulungan mo ako, (E)Oh hari.

At sinabi ng hari sa kaniya, Anong mayroon ka? At siya'y sumagot: Sa katotohanan (F)ako'y bao, at ang aking asawa ay patay na.

At ang iyong lingkod ay may dalawang anak, at silang dalawa'y nagaway sa parang at walang maghiwalay sa kanila, kundi sinaktan ng isa ang isa, at pinatay siya.

At, narito, (G)ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, Ibigay mo siya na sumakit sa kaniyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kaniyang kapatid na kaniyang pinatay, at sa gayo'y iwasak namin ang tagapagmana naman; ganito nila papatayin ang aking baga na nalabi; at walang iiwan sa aking asawa kahit pangalan o anomang labi sa balat ng lupa.

At sinabi ng hari sa babae, Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y magbibilin tungkol sa iyo.

At ang babae sa Tecoa ay nagsabi sa hari: Panginoon ko, Oh hari, ang kasamaan ay suma akin nawa, at sa sangbahayan ng aking ama: at ang hari at ang kaniyang luklukan ay mawalan nawa ng sala.

10 At sinabi ng hari, Sinomang magsabi sa iyo ng anoman, dalhin mo sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.

11 Nang magkagayo'y sinabi niya, Isinasamo ko sa iyo, na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Dios, na huwag patayin ng mapanghiganti sa dugo kailan man, baka kanilang ibuwal ang aking anak. At kaniyang sinabi: (H)Buhay ang Panginoon, walang buhok ng iyong anak na mahuhulog sa lupa.

12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae: Pahintulutan mo ang iyong lingkod, isinasamo ko sa iyo, na magsalita ng isang salita sa aking panginoon na hari. At kaniyang sinabi, Sabihin mo.

13 At sinabi ng babae, Bakit nga iyong inakala ang gayong bagay laban sa bayan ng Dios? sapagka't sa pagsasalita ng ganitong salita ay parang may sala ang hari, dangang hindi ipinabalik ng hari ang (I)kaniyang sariling itinapon.

14 Sapagka't tayo'y mamamatay na walang pagsala at gaya ng tubig na mabubuhos sa lupa, na hindi mapupulot uli: ni nagaalis man ang Dios ng buhay, kundi humahanap ng paraan na siya na itinapon ay huwag mamalagi na tapon sa kaniya.

15 Ngayon nga'y kung kaya't ako'y naparito upang salitain ang salitang ito sa aking panginoon na hari, ay sapagka't tinakot ako ng bayan: at sinabi ng iyong lingkod, Ako'y magsasalita sa hari; marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.

16 Sapagka't didinggin ng hari upang iligtas ang kaniyang lingkod sa kamay ng lalake na nagiibig magbuwal sa akin at sa aking anak na magkasama sa (J)mana ng Dios.

17 Nang magkagayo'y sinabi ng iyong lingkod, Isinasamo ko sa iyo na ang salita ng aking panginoon na hari ay sa ikaaaliw: (K)sapagka't kung paano ang anghel ng Dios, ay gayon ang aking panginoon na hari na magdilidili ng mabuti at masama: at ang Panginoong iyong Dios ay sumaiyo nawa.

18 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi sa babae, Huwag mong ikubli sa akin, isinasamo ko sa iyo, ang anoman na aking itatanong sa iyo. At sinabi ng babae, Magsalita nga ang aking panginoon na hari.

19 At sinabi ng hari, sumasaiyo ba ang kamay ni Joab sa bagay na ito? At sumagot ang babae at nagsabi, (L)Buhay ang iyong kaluluwa, panginoon ko na hari, walang makaliliko sa kanan o sa kaliwa sa anoman na sinalita ng aking panginoon na hari, sapagka't ang iyong lingkod na si Joab ay siyang nagutos sa akin, at siyang (M)naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod:

20 Upang baguhin ang anyo ng bagay ay ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito: at ang aking panginoon ay pantas ayon sa karunungan ng anghel ng Dios, na makaalam ng lahat ng mga bagay na nasa lupa.

21 At sinabi ng hari kay Joab, Narito, ngayon, aking ginawa ang bagay na ito: yumaon ka nga, dalhin mo rito uli ang binatang si Absalom.

22 At nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang, at binasbasan ang hari: at sinabi ni Joab, Ngayo'y talastas ng iyong lingkod na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko, Oh hari, sa paraang pinayagan ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.

23 Sa gayo'y bumangon si Joab at naparoon sa (N)Gessur, at dinala si Absalom sa Jerusalem.

24 At sinabi ng hari, Bumalik siya sa kaniyang sariling bahay, nguni't huwag makita ang aking mukha. Sa gayo'y bumalik si Absalom sa kaniyang sariling bahay, at hindi nakita ang mukha ng hari.

Ang kagandahan ni Absalom.

25 Sa buong Israel nga'y walang gaya ni Absalom na pinakakapuri dahil sa kagandahan: mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo, ay walang ipipintas sa kaniya.

26 At pagka kaniyang (O)ipinagugupit ang kaniyang buhok (sa bawa't katapusan nga ng bawa't taon siya ay nagpapagupit: sapagka't mabigat sa kaniya ang buhok kaya't kaniyang ipinagugupit:) kaniyang tinitimbang ang buhok ng kaniyang ulo na may dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.

27 At (P)ipinanganak kay Absalom ay tatlong lalake, at isang babae, na ang pangala'y Thamar: siya'y isang babae na may magandang mukha.

28 At tumahan si Absalom na dalawang buong taon sa Jerusalem; at hindi niya nakita ang mukha ng hari.

29 Nang magkagayo'y pinasuguan ni Absalom si Joab, upang suguin sa hari: nguni't hindi siya naparoon sa kaniya: at siya'y nagsugo na ikalawa, nguni't siya'y ayaw paroon.

30 Kaya't kaniyang sinabi sa kaniyang mga alipin: Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon; yumaon kayo, at silaban ninyo. At sinilaban ng mga alipin ni Absalom ang bukid.

31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab, at naparoon kay Absalom sa kaniyang bahay, at nagsabi sa kaniya, Bakit sinilaban ng iyong alipin ang aking bukid?

32 At sinagot ni Absalom si Joab, Narito, ako'y nagpasugo sa iyo, na nagpasabi, Parito ka, upang aking masugo ka sa hari, na magsabi, Sa anong kapararakan naparoon ako mula sa Gessur? lalong mabuti sa akin na tumigil doon. Ngayon nga'y ipakita mo sa akin ang mukha ng hari; at kung may kasamaan sa akin, patayin niya ako.

33 Sa gayo'y naparoon si Joab sa hari at isinaysay sa kaniya: at nang kaniyang matawag na si Absalom, siya'y naparoon sa hari, at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at (Q)hinagkan ng hari si Absalom.

2 Corinto 7

(A)Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, (B)ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios.

Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso: (C)hindi namin inapi ang sinoman, hindi namin ipinasama ang sinoman, (D)hindi namin dinaya ang sinoman.

Hindi ko sinasabi ito upang kayo'y hatulan: sapagka't (E)sinabi ko na nang una, na kayo'y nasa aming mga puso upang magkasamang mamatay at magkasamang mabuhay.

Malaki ang (F)katapangan ko ng pagsasalita sa inyo, malaki ang aking kapurihan dahil sa inyo: (G)ako'y puspos ng kaaliwan, (H)nananagana sa katuwaan sa lahat ng aming kapighatian.

Sapagka't nagsidating (I)man kami sa Macedonia ang aming laman ay hindi nagkaroon ng katiwasayan, kundi (J)sa lahat kami ay pinipighati; sa labas ay mga pagbabaka, sa loob ay mga katakutan.

Gayon man ang (K)Dios na umaaliw sa mabababang-loob, ay kami'y inaliw (L)sa pamamagitan ng pagdating ni (M)Tito;

At hindi lamang sa kaniyang pagdating, kundi naman sa kaaliwan ng inialiw sa kaniya dahil sa inyo, nang sa amin ay ibalita niya ang inyong pananabik, ang inyong kalumbayan, ang inyong pagmamalasakit dahil sa akin; ano pa't ako'y lubha pang nagalak.

Sapagka't (N)bagaman ako'y nakapagpalumbay sa inyo sa aking sulat, ay hindi ko dinaramdam: bagama't aking dinamdam (sapagka't akin ngang natatalastas na ang sulat na yaon ay nakapagpalumbay sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang),

Ngayo'y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagka't kayo'y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin.

10 Sapagka't (O)ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng (P)pagsisisi sa ikaliligtas, (Q)na hindi ikalulungkot: datapuwa't ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay.

11 Narito nga, ito rin ang inyong ikinalulumbay na mula sa Dios, gaanong sikap na pagiingat ang sa inyo'y ginawa, oo't gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo't gaanong pagkagalit, oo't (R)gaanong katakutan, oo't gaanong pananabik, oo't gaanong pagmamalasakit, oo't gaanong (S)paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay (T)sa bagay na ito.

12 Kaya nga, bagama't ako'y sumulat sa inyo, ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, ni (U)dahil doon sa nagbata ng kamalian, (V)kundi upang maihayag sa inyo ang inyong masikap na pagiingat sa amin sa harapan ng Dios.

13 Kaya't kami'y pawang nangaaliw: at sa aming pagkaaliw ay bagkus pang nangagalak kami dahil sa kagalakan ni (W)Tito, sapagka't ang kaniyang espiritu ay inaliw ninyong lahat.

14 Sapagka't (X)kung ako ay nagmapuri ng anoman sa kaniya dahil sa inyo, ay hindi ako nahiya; datapuwa't kung paanong sinabi namin ang lahat ng mga bagay sa inyo sa katotohanan, ay gayon din naman ang aming pagmamapuri na ginawa ko sa harap ni Tito ay nasumpungang totoo.

15 At ang kaniyang (Y)pagibig ay lubha pang nanagana sa inyo, samantalang naaalaala niya (Z)ang pagtalima ninyong lahat, kung paanong siya'y tinanggap ninyo na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak na sa lahat ng mga bagay ay mayroon akong lubos na pagtitiwala sa inyo.

Ezekiel 21

Ang matalim na tabak ng Panginoon ay bubunutin laban sa Israel.

21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, (A)itingin mo ang iyong mukha sa dakong Jerusalem, at magbadya ka ng iyong salita sa dako ng mga santuario, at manghula ka laban sa lupain ng Israel;

At sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, at aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban, at (B)ihihiwalay ko sa iyo ang matuwid at ang masama.

Yaman nga na aking ihihiwalay sa iyo ang matuwid at ang masama, kaya't aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban na laban sa lahat na tao na (C)mula sa timugan hanggang sa hilagaan:

At malalaman ng lahat na tao na akong Panginoon ay bumunot ng aking tabak sa kaloban; hindi na isusuksok pa.

Magbuntong-hininga ka nga, ikaw na anak ng tao; na may pagkasira ng iyong mga balakang at may kapanglawang magbubuntong-hininga ka sa harap ng kanilang mga mata.

At mangyayari, pagka kanilang sinasabi sa iyo, Bakit ka nagbubuntong-hininga? na iyong sasabihin, Dahil sa mga balita, sapagka't dumarating; at ang bawa't puso ay manglulumo, at ang (D)lahat na kamay ay manghihina, at ang bawa't espiritu ay manglulupaypay, at ang lahat na tuhod ay manglalambot na parang tubig: narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, manghula ka, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sabihin mo, (E)Isang tabak, isang tabak ay nahasa, at kuminang din naman;

10 Nahasa upang manglipol; kuminang upang maging parang kidlat: gagawa nga baga tayo ng mga kasayahan? ang tungkod ng aking anak ay humahamak sa bawa't punong kahoy.

11 At pinakikinang, upang hawakan: ang tabak, ito'y nahasa, oo, pinakinang, upang ibigay sa kamay ng manglilipol.

12 Humiyaw ka at manambitan ka, anak ng tao; sapagka't nauumang sa aking bayan, nauumang sa lahat ng mga prinsipe sa Israel: sila'y nangabigay sa tabak na kasama ng aking bayan; (F)tampalin mo nga ang iyong hita.

13 Sapagka't may paglilitis; at paano kung pati ng tungkod na humahamak ay mawala? sabi ng Panginoong Dios.

14 Ikaw nga, anak ng tao, manghula ka, at ipakpak mo kapuwa ang iyong mga kamay; at ang tabak ay malupi sa ikatlo, ang tabak ng nasugatan sa ikamamatay: siyang tabak (G)ng dakilang nasugatan sa ikamamatay na pumasok sa kanilang mga silid.

15 Aking iniumang ang kumikinang na tabak laban sa lahat nilang pintuang-bayan, upang ang kanilang puso ay manglumo, at ang kanilang mga pagkatisod ay dumami: ah! ang pagkayari ay parang kidlat, na inihasa upang ipangpatay.

16 Humayo ka sa isang dako, (H)lumagay ka sa kanan, o lumagay ka sa kaliwa, saan man mapaharap ang iyong mukha.

17 Akin din namang ipapakpak kapuwa ang aking mga kamay, at (I)aking lulubusin ang aking kapusukan: ako ang Panginoon, ang nagsalita.

18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

19 Gayon din, ikaw na anak ng tao, magtakda ka sa iyo ng dalawang daan, na mapanggagalingan ng tabak ng hari sa Babilonia; silang dalawa ay kapuwa lalabas sa isang lupain: at landasan mo ng dako, landasan mo sa bukana ng daang patungo sa bayan.

20 Ikaw ay magtatakda ng daan para sa tabak na paroon sa (J)Raba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na nakukutaan.

21 Sapagka't ang hari sa Babilonia ay tumayo sa pinagkakahiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang magbadya ng panghuhula: kaniyang iniwasiwas ang mga pana na paroo't parito, siya'y sumangguni sa mga diosdiosan, siya'y nagsiyasat sa atay.

22 Nasa kanang kamay niya ang panghuhula sa Jerusalem, upang mag-umang ng mga pangsaksak, upang bukahin ang bibig sa pagpatay, upang itaas ang tinig sa paghiyaw, (K)upang mag-umang ng mga pangsaksak laban sa mga pintuang-bayan, upang maglagay ng mga bunton upang magtayo ng mga katibayan.

23 At sa kanila ay magiging parang panghuhulang walang kabuluhan sa kanilang paningin, na (L)nanumpa sa kanila; nguni't ipinaa-alaala niya sa kanilang kasamaan, (M)upang sila'y mangahuli.

24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't inyong ipinaalaala ang inyong kasamaan, palibhasa'y ang inyong mga pagsalangsang ay nalitaw, na anopa't sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagka't dumating ang pagkaalaala sa inyo, kayo'y huhulihin ng kamay.

25 At ikaw, (N)Oh masama na nasugatan ng ikamamatay, na prinsipe sa Israel, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas;

26 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ilapag mo ang (O)tiara, at alisin mo ang putong; ito'y hindi na mangyayari pa uli; (P)itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.

27 Aking ititiwarik, ititiwarik, ititiwarik: (Q)ito rin nama'y hindi na mangyayari uli, hanggang sa dumating yaong may matuwid na kaniya; at aking ibibigay sa kaniya.

28 At ikaw, anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios (R)tungkol sa mga anak ni Ammon, at tungkol sa kanilang kapulaan; at sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot, na ukol sa pagpatay ay kuminang upang papanglipulin, upang maging parang kidlat;

29 Samantalang sila'y nangakakakita sa iyo ng walang kabuluhan, samantalang sila'y nanganghuhula sa iyo ng mga kabulaanan, upang ipasan ka sa mga leeg ng masama na sinugatan ng ikamamatay, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas.

30 Isuksok mo iyan sa kaniyang kaloban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan (S)kita.

31 At aking ibubuhos ang aking galit sa iyo; aking hihipan ka sa pamamagitan (T)ng apoy ng aking poot: at aking ibibigay ka sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.

32 Ikaw ay magiging pinakapanggatong sa apoy; ang iyong dugo ay mabububo sa gitna ng lupain; ikaw ay (U)hindi na maaalaala: sapagka't akong Panginoon ang nagsalita.

Mga Awit 68

Sa Pangulong Manunugtog. Salmo ni David, Awit.

68 Bumangon nawa ang (A)Dios, mangalat ang kaniyang mga kaaway;
Sila namang nangagtatanim sa kaniya ay magsitakas sa harap niya.
(B)Kung paanong napaparam ang usok ay gayon nangapaparam sila.
(C)Kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
Gayon mamatay ang masama sa harapan ng Dios.
Nguni't mangatuwa (D)ang matuwid; mangagalak sila sa harap ng Dios:
Oo, mangagalak sila ng kasayahan.
Kayo'y magsiawit sa Dios, kayo'y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan:
(E)Ipaghanda ninyo ng maluwang na lansangan siya na nangangabayo sa mga ilang;
(F)Ang kaniyang pangalan ay JAH; at mangagalak kayo sa harap niya.
(G)Ama ng mga ulila, at hukom ng mga babaing bao,
Ang Dios sa kaniyang banal na tahanan.
Pinapagmamaganak (H)ng Dios ang mga nagiisa:
(I)Kaniyang inilalabas sa kaginhawahan ang mga bilanggo:
Nguni't (J)ang mga mapanghimagsik ay magsisitahan sa tuyong lupa.
Oh Dios, (K)nang ikaw ay lumabas sa harap ng iyong bayan,
Nang ikaw ay lumakad sa ilang; (Selah)
(L)Ang lupa ay nayanig,
Ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios:
Ang (M)Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.
Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan,
Iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.
10 Ang iyong kapisanan ay tumahan doon:
Ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.
11 Nagbibigay ng salita ang Panginoon:
Ang mga babaing nangaghahayag ng mga balita ay malaking hukbo.
12 Mga hari ng mga hukbo ay (N)nagsisitakas, sila'y nagsisitakas:
(O)At nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.
13 (P)Mahihiga ba kayo sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
(Q)Na parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
At ng kaniyang balahibo ng gintong madilaw?
14 Nang ang Makapangyarihan sa lahat ay magkalat ng mga hari roon,
Ay tila nagka nieve sa (R)Salmon.
15 Bundok ng Dios ay ang bundok ng Basan;
Mataas na bundok ang bundok ng Basan.
16 Bakit kayo'y nagsisiirap, kayong matataas na mga bundok,
(S)Sa bundok na ninasa ng Dios na maging kaniyang tahanan?
Oo, tatahan doon ang Panginoon magpakailan man.
17 (T)Ang mga karo ng Dios ay dalawang pung libo samakatuwid baga'y libolibo:
Ang Panginoon ay nasa gitna nila, kung paano sa Sinai, gayon sa santuario.
18 (U)Sumampa ka sa mataas, (V)pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
Tumanggap ka ng mga (W)kaloob sa gitna ng mga tao, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios.
19 Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
Sa makatuwid baga'y ang Dios na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Dios sa amin ay Dios ng mga kaligtasan;
At (X)kay Jehova na Panginoon ukol ang pagpapalaya sa kamatayan.
21 (Y)Nguni't sasaktan ng Dios ang ulo ng kaniyang mga kaaway.
Ang bunbunang mabuhok ng nagpapatuloy sa kaniyang sala.
22 Sinabi ng Panginoon, (Z)Ibabalik ko uli mula sa Basan,
Ibabalik ko uli sila mula sa mga kalaliman ng dagat:
23 (AA)Upang madurog mo sila, na nalulubog ang iyong paa sa dugo,
(AB)Upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng kaniyang pagkain sa iyong mga kaaway.
24 Kanilang nakita ang iyong mga lakad, Oh Dios,
Sa makatuwid baga'y ang lakad ng aking Dios, ng aking Hari, sa loob ng santuario.
25 (AC)Ang mga mangaawit ay nangagpauna, ang mga manunugtog ay nagsisunod,
(AD)Sa gitna ng mga dalaga na nagtutugtugan ng mga pandereta.
26 Purihin ninyo ang Dios sa mga kapisanan,
Sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ninyong mga sa bukal ng (AE)lahi ng Israel.
27 Doo'y (AF)ang munting Benjamin ay siyang kanilang puno,
Ang mga pangulo ng Juda at ang kanilang pulong,
Ang mga pangulo ng Zabulon, ang mga pangulo ng Nephtali.
28 Ang Dios mo'y (AG)nagutos ng iyong kalakasan:
Patibayin mo, Oh Dios, ang ginawa mo sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
(AH)Mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.
30 Sawayin mo ang mga mailap na hayop sa mga puno ng tambo,
Ang karamihan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan,
Na niyayapakan sa ilalim ng paa ang mga putol ng pilak;
Iyong pinangalat ang mga bayan na nangagagalak sa pagdidigma.
31 Mga pangulo ay (AI)magsisilabas sa Egipto;
Magmamadali ang (AJ)Etiopia na igawad ang kaniyang mga kamay sa Dios.
32 Magsiawit kayo sa Dios, kayong mga kaharian sa lupa;
Oh magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon.
33 Sa kaniya na (AK)sumasakay sa langit ng mga langit, na noon pang una:
Narito, binibigkas niya ang kaniyang tinig, na makapangyarihang tinig,
34 Inyong isa Dios ang kalakasan:
Ang kaniyang karilagan ay nasa Israel,
At ang kaniyang kalakasan ay nasa mga langit.
35 Oh Dios, ikaw ay (AL)kakilakilabot mula sa iyong mga dakong banal:
Ang Dios ng Israel, ay nagbibigay ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan.
Purihin ang Panginoon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978