Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Ezekiel 21-23

Ang matalim na tabak ng Panginoon ay bubunutin laban sa Israel.

21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, (A)itingin mo ang iyong mukha sa dakong Jerusalem, at magbadya ka ng iyong salita sa dako ng mga santuario, at manghula ka laban sa lupain ng Israel;

At sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, at aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban, at (B)ihihiwalay ko sa iyo ang matuwid at ang masama.

Yaman nga na aking ihihiwalay sa iyo ang matuwid at ang masama, kaya't aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban na laban sa lahat na tao na (C)mula sa timugan hanggang sa hilagaan:

At malalaman ng lahat na tao na akong Panginoon ay bumunot ng aking tabak sa kaloban; hindi na isusuksok pa.

Magbuntong-hininga ka nga, ikaw na anak ng tao; na may pagkasira ng iyong mga balakang at may kapanglawang magbubuntong-hininga ka sa harap ng kanilang mga mata.

At mangyayari, pagka kanilang sinasabi sa iyo, Bakit ka nagbubuntong-hininga? na iyong sasabihin, Dahil sa mga balita, sapagka't dumarating; at ang bawa't puso ay manglulumo, at ang (D)lahat na kamay ay manghihina, at ang bawa't espiritu ay manglulupaypay, at ang lahat na tuhod ay manglalambot na parang tubig: narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, manghula ka, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sabihin mo, (E)Isang tabak, isang tabak ay nahasa, at kuminang din naman;

10 Nahasa upang manglipol; kuminang upang maging parang kidlat: gagawa nga baga tayo ng mga kasayahan? ang tungkod ng aking anak ay humahamak sa bawa't punong kahoy.

11 At pinakikinang, upang hawakan: ang tabak, ito'y nahasa, oo, pinakinang, upang ibigay sa kamay ng manglilipol.

12 Humiyaw ka at manambitan ka, anak ng tao; sapagka't nauumang sa aking bayan, nauumang sa lahat ng mga prinsipe sa Israel: sila'y nangabigay sa tabak na kasama ng aking bayan; (F)tampalin mo nga ang iyong hita.

13 Sapagka't may paglilitis; at paano kung pati ng tungkod na humahamak ay mawala? sabi ng Panginoong Dios.

14 Ikaw nga, anak ng tao, manghula ka, at ipakpak mo kapuwa ang iyong mga kamay; at ang tabak ay malupi sa ikatlo, ang tabak ng nasugatan sa ikamamatay: siyang tabak (G)ng dakilang nasugatan sa ikamamatay na pumasok sa kanilang mga silid.

15 Aking iniumang ang kumikinang na tabak laban sa lahat nilang pintuang-bayan, upang ang kanilang puso ay manglumo, at ang kanilang mga pagkatisod ay dumami: ah! ang pagkayari ay parang kidlat, na inihasa upang ipangpatay.

16 Humayo ka sa isang dako, (H)lumagay ka sa kanan, o lumagay ka sa kaliwa, saan man mapaharap ang iyong mukha.

17 Akin din namang ipapakpak kapuwa ang aking mga kamay, at (I)aking lulubusin ang aking kapusukan: ako ang Panginoon, ang nagsalita.

18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

19 Gayon din, ikaw na anak ng tao, magtakda ka sa iyo ng dalawang daan, na mapanggagalingan ng tabak ng hari sa Babilonia; silang dalawa ay kapuwa lalabas sa isang lupain: at landasan mo ng dako, landasan mo sa bukana ng daang patungo sa bayan.

20 Ikaw ay magtatakda ng daan para sa tabak na paroon sa (J)Raba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na nakukutaan.

21 Sapagka't ang hari sa Babilonia ay tumayo sa pinagkakahiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang magbadya ng panghuhula: kaniyang iniwasiwas ang mga pana na paroo't parito, siya'y sumangguni sa mga diosdiosan, siya'y nagsiyasat sa atay.

22 Nasa kanang kamay niya ang panghuhula sa Jerusalem, upang mag-umang ng mga pangsaksak, upang bukahin ang bibig sa pagpatay, upang itaas ang tinig sa paghiyaw, (K)upang mag-umang ng mga pangsaksak laban sa mga pintuang-bayan, upang maglagay ng mga bunton upang magtayo ng mga katibayan.

23 At sa kanila ay magiging parang panghuhulang walang kabuluhan sa kanilang paningin, na (L)nanumpa sa kanila; nguni't ipinaa-alaala niya sa kanilang kasamaan, (M)upang sila'y mangahuli.

24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't inyong ipinaalaala ang inyong kasamaan, palibhasa'y ang inyong mga pagsalangsang ay nalitaw, na anopa't sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagka't dumating ang pagkaalaala sa inyo, kayo'y huhulihin ng kamay.

25 At ikaw, (N)Oh masama na nasugatan ng ikamamatay, na prinsipe sa Israel, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas;

26 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ilapag mo ang (O)tiara, at alisin mo ang putong; ito'y hindi na mangyayari pa uli; (P)itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.

27 Aking ititiwarik, ititiwarik, ititiwarik: (Q)ito rin nama'y hindi na mangyayari uli, hanggang sa dumating yaong may matuwid na kaniya; at aking ibibigay sa kaniya.

28 At ikaw, anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios (R)tungkol sa mga anak ni Ammon, at tungkol sa kanilang kapulaan; at sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot, na ukol sa pagpatay ay kuminang upang papanglipulin, upang maging parang kidlat;

29 Samantalang sila'y nangakakakita sa iyo ng walang kabuluhan, samantalang sila'y nanganghuhula sa iyo ng mga kabulaanan, upang ipasan ka sa mga leeg ng masama na sinugatan ng ikamamatay, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas.

30 Isuksok mo iyan sa kaniyang kaloban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan (S)kita.

31 At aking ibubuhos ang aking galit sa iyo; aking hihipan ka sa pamamagitan (T)ng apoy ng aking poot: at aking ibibigay ka sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.

32 Ikaw ay magiging pinakapanggatong sa apoy; ang iyong dugo ay mabububo sa gitna ng lupain; ikaw ay (U)hindi na maaalaala: sapagka't akong Panginoon ang nagsalita.

Inilarawan ang kasalanan ng Jerusalem.

22 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

At Ikaw, anak ng tao, (V)hahatulan mo baga, hahatulan mo baga ang bayang mabagsik? ipakilala mo nga sa kaniya ang lahat niyang kasuklamsuklam.

At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bayang nagbububo ng dugo sa gitna niya, (W)na ang kaniyang panahon ay darating, at gumagawa ng mga diosdiosan laban sa kaniyang sarili, upang mapahamak siya!

Ikaw ay naging salarin dahil sa iyong dugo na iyong (X)ibinubo, at ikaw ay napahamak sa iyong mga diosdiosan na iyong ginawa; at iyong pinalapit ang iyong mga kaarawan, at ikaw ay dumating hanggang sa iyong mga taon; kaya't ginawa kitang isang (Y)kapulaan sa mga bansa, at isang katuyaan sa lahat na lupain.

Yaong mga malapit, at yaong mga malayo, ay magsisituya sa iyo, ikaw na napahamak at puno ng kagulo.

Narito, (Z)ang mga prinsipe sa Israel, na bawa't isa'y ayon sa kaniyang kapangyarihan, napasa iyo upang magbubo ng dugo.

Sa iyo'y kanilang niwalang kabuluhan ang ama't (AA)ina; sa gitna mo ay pinahirapan nila (AB)ang taga ibang lupa; sa iyo'y kanilang pinighati ang ulila at ang babaing bao.

Iyong hinamak ang aking mga banal na bagay, at iyong nilapastangan ang aking mga sabbath.

Mga maninirang puri ay napasa iyo upang magbubo ng dugo: at sa iyo'y nagsikain sila (AC)sa mga bundok: sa gitna mo ay nagkasala sila ng kahalayan.

10 Sa iyo'y kanilang inilitaw ang kahubaran (AD)ng kanilang mga magulang; sa iyo'y pinapakumbaba niya (AE)siya na marumi sa kaniyang pagkahiwalay.

11 At ang isa'y gumawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kaniyang kapuwa; at ang isa'y gumawa ng kahalayhalay sa kaniyang manugang na babae; at sa iyo'y sinipingan ng isa ang kaniyang kapatid na babae na anak ng kaniyang ama.

12 Sa iyo ay nagsitanggap sila ng suhol upang magbubo ng dugo; ikaw ay kumuha ng (AF)patubo't pakinabang, at ikaw ay nakinabang ng malabis sa iyong kapuwa sa pamamagitan ng pagpighati, at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong Dios.

13 Narito nga, (AG)aking ipinakpak ang aking kamay dahil sa iyong masamang pakinabang na iyong ginawa, at sa iyong dugo na iyong ibinubo sa gitna mo.

14 (AH)Makapagmamatigas baga ang iyong puso, o makapagmamalakas baga ang iyong mga kamay sa mga araw na parurusahan kita? Akong Panginoon ang nagsalita, at gagawa niyaon.

15 At (AI)aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pananabugin kita sa mga lupain; at (AJ)aking papawiin ang iyong karumihan sa gitna mo.

16 At ikaw ay malalapastangan sa iyong sarili, sa paningin ng mga bansa; at (AK)iyong malalaman na ako ang Panginoon.

17 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

18 Anak ng tao, ang sangbahayan ni Israel ay naging (AL)dumi ng bakal sa akin: silang lahat ay tanso at lata at bakal at tingga, sa gitna ng hurno; sila ay naging (AM)dumi ng pilak.

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayong lahat ay naging dumi ng bakal, kaya't narito, aking pipisanin kayo sa gitna ng Jerusalem.

20 Kung paanong kanilang pinipisan ang pilak at ang tanso at ang bakal at ang tingga at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ng apoy, upang tunawin; gayon ko kayo pipisanin sa aking galit at sa aking kapusukan, at aking ilalapag kayo roon, at pupugnawin ko kayo.

21 Oo, aking pipisanin kayo, at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo'y mangapupugnaw sa gitna niyaon.

22 Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa gitna ng hurno, gayon kayo mangatutunaw sa gitna niyaon; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagbububos ng aking kapusukan sa inyo.

Walang pananampalataya na mga propeta, saserdote, at prinsipe.

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

24 Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, (AN)o naulanan man sa kaarawan ng pagkagalit.

25 May panghihimagsik ng kaniyang mga propeta sa gitna niyaon, gaya ng leong umuungal na umaagaw ng huli: sila'y nanganakmal ng mga tao; sila'y nagsikuha ng kayamanan at ng mga (AO)mahalagang bagay; pinarami nila ang kanilang babaing bao sa gitna niyaon,

26 (AP)Ang mga saserdote niyaon ay nagsigawa ng pangdadahas sa aking kautusan, at nilapastangan ang aking mga banal na bagay: sila'y hindi nangaglagay ng pagkakaiba sa banal at sa karaniwan, o kanila mang pinapagmunimuni ang mga tao sa marumi at sa malinis, at (AQ)ikinubli ang kanilang mga mata sa aking mga sabbath, at ako'y nalapastangan sa gitna nila.

27 Ang mga (AR)prinsipe sa gitna niyaon ay parang mga lobo na nangangagaw ng huli, upang mangagbubo ng dugo, at upang magpahamak ng mga tao, upang sila'y mangagkaroon ng mahalay na pakinabang.

28 At itinapal ng mga propeta niyaon (AS)ang masamang argamasa para sa kanila, na nakakita ng (AT)walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kabulaanan sa kanila, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, dangang hindi sinalita ng Panginoon.

29 Ang bayan ng lupain ay gumawa ng pagpighati, at nagnakaw; oo, kanilang pinagdalamhati ang dukha at mapagkailangan, at pinighati ng wala sa katuwiran ang taga ibang lupa.

30 At ako'y humanap ng lalake (AU)sa gitna nila, na makakagawa ng (AV)bakod, at makatatayo sa sira sa harap ko dahil sa lupain, upang huwag kong ipahamak; nguni't wala akong nasumpungan.

31 Kaya't aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking sinupok sila ng apoy ng aking poot: ang kanilang sariling lakad ay (AW)aking pinarating sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong Dios.

Ang pagpapatutot ni Ohola, at ni Oholiba.

23 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin na nagsasabi:

Anak ng tao, may (AX)dalawang babae, na mga anak na babae ng isang ina:

At sila'y (AY)nagpatutot (AZ)sa Egipto; sila'y nagpatutot sa kanilang kadalagahan: doo'y nangahigpit ang kanilang mga dibdib, at doo'y nangahipo ang mga suso ng kanilang pagkadalaga.

At ang mga pangalan nila ay Ohola[a] ang matanda, at Oholiba[b] ang kapatid niya: at sila'y (BA)naging akin at nanganak ng mga lalake at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, Samaria ay Ohola, at Jerusalem ay Oholiba.

At si Ohola ay nagpatutot nang siya'y akin; at siya'y suminta sa mga mangingibig sa kaniya, (BB)sa mga taga Asiria na kaniyang mga kalapit bayan.

Na nananamit ng kulay asul, ang mga tagapamahala at ang mga pinuno, silang lahat na binatang makisig, mga mangangabayo na nangakasakay sa mga kabayo.

At ipinagkaloob niya sa kanila ang kaniyang pakikiapid, sa mga pinaka piling lalake sa Asiria sa kanilang lahat; at sa sino man na inibig niya, sa lahat nilang diosdiosan, ay nadumhan siya.

Ni hindi man niya iniwan ang kaniyang mga pagpapatutot mula sa mga kaarawan ng Egipto, sapagka't sa kaniyang kadalagahan, sila'y sumisiping sa kaniya, at nangahipo nila ang mga suso ng kaniyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang pagpapatutot sa kaniya.

Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng mga mangingibig sa kaniya, sa kamay ng mga taga Asiria, na siya niyang mga inibig.

10 Ang mga ito ang nangaglitaw ng kaniyang kahubaran; kinuha nila ang kaniyang mga anak na lalake at babae; at siya'y pinatay nila ng tabak: at siya'y naging kakutyaan sa mga babae; sapagka't sila'y naglapat ng mga kahatulan sa kaniya.

11 At nakita ito ng kaniyang kapatid na si Oholiba, gayon ma'y siya'y higit na napahamak sa kaniyang pagibig kay sa kaniya, at sa kaniyang mga pagpapatutot na higit kay sa mga pagpapatutot ng kaniyang kapatid.

12 Siya'y umibig sa mga taga Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno, sa kaniyang mga kalapit bayan, na nararamtan ng mga pinakamahusay, sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, silang lahat ay mga binatang makisig.

13 At aking nakita na siya'y nadumhan; na sila kapuwa ay nagisang daan.

14 At kaniyang pinalago ang kaniyang mga pagpapatutot; sapagka't siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga panig, na mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan ng bermillon,

15 Na nangabibigkisan sa kanilang mga balakang, na mga may lumilipad na turbante sa kanilang mga ulo, silang lahat ay parang mga prinsipe ayon sa wangis ng mga taga Babilonia sa Caldea, na lupain na kanilang kinapanganakan.

16 At pagkakita niya sa kanila ay inibig niya agad sila, at (BC)nagsugo ng mga sugo sa kanila sa Caldea.

17 At sinipingan siya ng mga taga Babilonia sa higaan ng pagibig, at kanilang dinumhan siya ng kanilang pagpapatutot, at siya'y nahawa sa kanila, at ang kaniyang kalooban ay tinabangan sa kanila.

18 Sa gayo'y inilitaw niya ang kaniyang mga pagpapatutot, at inilitaw niya ang kaniyang kahubaran: nang magkagayo'y tinabangan ang aking kalooban sa kaniya, na gaya ng pagkatabang ng aking kalooban sa kaniyang kapatid.

19 (BD)Gayon ma'y kaniyang pinarami ang kaniyang mga pakikiapid, na inalaala ang mga kaarawan ng kaniyang kadalagahan, na kaniyang ipinagpatutot sa lupain ng Egipto,

20 At siya'y umibig sa mga nagsisiagulo sa kaniya, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang lumalabas sa mga kabayo.

21 Ganito mo inalaala ang kahalayan ng iyong kadalagahan, sa pagkahipo ng iyong mga suso ng mga taga Egipto dahil sa mga suso ng iyong kadalagahan.

Ang parusa kay Ohola, at kay Oholiba.

22 Kaya, Oh Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Narito, aking ibabangon ang mga mangingibig sa iyo laban sa iyo, na siyang pinagsawaan ng iyong kalooban, at aking dadalhin (BE)sila laban sa iyo sa lahat ng dako:

23 Ang mga taga Babilonia at lahat ng Caldeo, (BF)ang Pekod, at ang Soa, at ang Coa, at lahat ng taga Asiria na kasama nila; na mga binatang makisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga prinsipe, at mga lalaking bantog, silang lahat ay nagsisisakay sa mga kabayo.

24 At sila'y magsisiparitong laban sa iyo na may mga almas, mga karo, at mga kariton, at may kapulungan ng mga tao; sila'y magsisilagay laban sa iyo sa palibot na may longki, at kalasag at turbante; at aking ipauubaya ang kahatulan sa kanila, at sila'y magsisihatol sa iyo (BG)ayon sa kanilang mga kahatulan.

25 At aking ilalagak ang aking paninibugho laban sa iyo, at sila'y magsisigawa sa iyo sa kapusukan; kanilang pipingusin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga; at ang nalabi sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak: kanilang kukunin ang iyong mga anak na lalake at babae; at ang nalabi sa iyo ay susupukin sa apoy,

26 Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at dadalhin ang iyong mga magandang hiyas.

27 Ganito ko patitigilin sa iyo ang iyong kahalayan, at ang iyong pagpapatutot na dinala mula sa lupain ng Egipto: na anopa't hindi mo ididilat ang iyong mga mata sa kanila, o aalalahanin mo pa man ang Egipto kailan man.

28 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ibibigay kita sa kamay (BH)ng mga ipinagtatanim mo, sa kamay ng mga pinagsawaan ng iyong kalooban;

29 At hahatulan ka nila na may pagtatanim, at aalisin ang lahat ng iyong kayamanan, at iiwan kang hubad at hubo: at ang sala mong pagpapatutot ay malilitaw, ang iyong kahalayan at gayon din ang iyong mga pagpapatutot.

30 Ang mga bagay na ito ay gagawin sa iyo, sapagka't ikaw ay (BI)nagpatutot sa mga bansa, at sapagka't ikaw ay nadumhan sa kanilang mga diosdiosan.

31 Ikaw ay lumakad sa lakad ng iyong kapatid; kaya't (BJ)ibibigay ko ang kaniyang saro sa iyong kamay.

32 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw ay iinom sa saro ng iyong kapatid, na malalim at malaki: ikaw ay tatawanan na pinakatuya at pinaka kadustaan; maraming laman.

33 Ikaw ay lubhang (BK)malalasing at mamamanglaw, sa pamamagitan ng sarong katigilan at kapahamakan, sa pamamagitan ng saro ng (BL)iyong kapatid na Samaria.

34 Iyo ngang iinumin at tutunggain, at iyong hahaluin ang (BM)labo niyaon, at sasaktan ang iyong dibdib; sapagka't aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios.

35 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ako'y iyong nilimot, at tinalikdan mo ako, taglayin mo nga rin ang iyong kahalayan at ang iyong mga pakikiapid.

36 Sinabi ng Panginoon sa akin bukod dito: Anak ng tao: (BN)hahatulan mo baga si Ohola at si Oholiba? ipakilala mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam.

37 Sapagka't sila'y nagkasala ng pangangalunya, at (BO)dugo ay nasa kanilang mga kamay; at sa kanilang mga diosdiosan ay nagsisamba; at kanila namang (BP)pinaraan sa apoy upang masupok ang kanilang mga anak, na kanilang ipinanganak sa akin.

38 Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: (BQ)kanilang nilapastangan ang aking santuario sa araw ding yaon, at (BR)nilapastangan ang aking mga sabbath.

39 Sapagka't nang kanilang patayin ang kanilang mga anak para sa kanilang mga diosdiosan, nagsiparoon nga sila nang araw ding yaon (BS)sa aking santuario upang lapastanganin; at, narito, ganito ang kanilang ginawa (BT)sa gitna ng aking bahay.

40 At bukod dito ay inyong ipinasundo ang mga taong nangagmumula sa malayo, na siyang mga ipinasundo sa sugo, at, narito, sila'y nagsisidating; na siyang dahil ng iyong ipinaligo, at ipinagkulay mo ng iyong mga mata, at pinaggayakan mo ng mga gayak;

41 At naupo ka sa isang mainam na higaan, na may dulang na nakahanda sa harap niyaon, na siya mong pinaglapagan ng aking kamangyan at (BU)aking langis.

42 At ang tinig ng pulutong na tiwasay ay nasa kaniya: at nadala na kasama ng mga lalake sa mga karaniwan ang mga manglalasing na mula sa ilang; at sila'y nangaglagay ng mga pulsera sa mga kamay nila, at mga magandang putong sa kanilang mga ulo.

43 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kaniya na tumanda sa mga pangangalunya, Ngayon mangakikiapid pa sila sa kaniya, at siya sa kanila.

44 At sinipingan nila siya, na parang sumiping sa isang patutot: gayon nila sinipingan si Ohola at si Oholiba, na malibog na mga babae.

45 At mga matuwid na tao ang hahatol (BV)sa kanila ng kahatulan sa mangangalunya, at ng kahatulan sa mga babae na nagbubo ng dugo; sapagka't sila'y mangangalunya, at dugo ang nasa kanilang mga kamay.

46 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ako'y magsasampa ng isang (BW)kapulungan laban sa kanila, at ibibigay ko sila upang ligaliging paroo't parito at samsaman.

47 At babatuhin sila ng kapulungan, ng mga bato, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalake at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay.

48 Ganito ko patitigilin ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat na babae ay maturuan na huwag magsigawa ng ayon sa inyong mga kahalayan.

49 At gagantihin nila ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong (BX)dadanasin ang mga kasalanan tungkol sa inyong mga diosdiosan, (BY)at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978